Daet, Camarines Norte (Enero 15, 2016) – Kasalukuyang nagpapagamot ang isang lalaki sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) makaraan itong barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa P-6, Brgy. Lag-on, Daet, Camarines Norte bandang ala-1 ng madaling-araw kanina (Enero 15, 2016).
Batay sa ulat ng ipinadala ng Daet Municipal Police Station (MPS), binabagtas ng biktimang kinilalang si Monchito Natino y Cada, 48 taong gulang, may asawa, at residente ng Minaogan, Brgy. Calangcawan Norte, Vinzons, Camarines Norte ang kahabaan ng San Vicente Road sakay ng kanyang tricycle na may plate number na 7686 patungo sa sentro ng Daet kasama si Mercy Caneta y Cama, 33 taong gulang, may asawa, at residente ng parehong lugar.
Nang sumapit si Natino sa pinangyarihan ng insidente ay bigla na lamang sumulpot ang isang motorsiklo na may temporary plate number na 050410 na minamaneho ng di pa nakikilalang lalaki at tumabi sa bahagi ng biktima kasabay ng pagbaril dito.
Nagtamo ng ang biktima ng tama ng baril sa leeg dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa minamaneho at bumagsak sa kalapit na sakahan.
Mabilis namang tumakas ang suspek patungong Kahabaan road sa bayan ng Talisay.
Agad na isinugod ng mga barangay tanod si Natino sa CNPH upang lapatan ng lunas.
Samantala, sa isinagawang follow-up investigation ng Daet MPS, nahuli na rin ang suspek na hindi muna pinangalanan sa bayan ng Vinzons. Ayon sa impormasyon ng Daet MPS, nagpatala umano ang suspek sa Vinzons MPS dahil sa nawawala nitong gamit na maswerte namang nakilala ng isang nakasaksi sa pamamaril habang nagsasagawa ng imbestigasyon ng mga otoridad ng Daet.
Sa kasalukuyan kustodiya na ng Daet MPS ang suspek habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang krimen.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News