ONE TIME BIG TIME OPERATION LABAN SA ILEGAL NA DROGA, ISINAGAWA SA BAYAN NG MERCEDES; RANK 1 AT RANK 9 SA MUNICIPAL DRUG LIST WANTED PERSON, NAHULI!

608
608-1

Mercedes, Camarines Norte (Enero 22, 2016) – Tatlong magkakasunod na operasyon laban sa ilegal na droga ang isinagawa ng mga otoridad kahapon ng madaling-araw (Enero 21, 2016) sa bayan ng Mercedes.

Ang naturang opersayon ay pinangunahan ng Mercedes Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Branch (PIB), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Police Public Safety Company (PPSC) kasama ang ilang miyembro ng sangguniang barangay ng Barangay 7 ng naturang bayan.

Bandang alas-2:30 ng madaling araw ng tunguhin ng mga operatiba ang 3 kabahayan sa Barangay 7 bitbit ang mga search warrant na ipinalabas ni Hon. Arniel A. Dating, Executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 41, Daet, Camarines Norte.

Isa sa tatlong kabahayang tinungo dala ang search warrant no. D-2016-11 ay ang bahay ni Samuel Buatis y Pacao alyas “Kid” na naninirahan sa Purok 2, Brgy. 7, Mercedes, Camarines Norte. Nakumpiska sa suspek ang perang nagkakahalaga ng P1,437, small heatsealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu,  dalawang plastic tooter, tatlong piraso ng rolled aluminum foil, apat na gunting, anim na pirasong small transparent plastic sachets na naglalamang ng pinaghihinalaang tira ng shabu, tatlong lightersfan knife, folding knife, at ice pick.

Sinalakay din ng mga otoridad upang ihain naman ang search warrant  no. D-2016-10 ang tahanan ni Arnel Magadan y Paday alyas “Pabo”, 42 taong gulang, walang trabaho, at Rank No. 1 sa Municipal Drug List Wanted Person, at asawa nitong si Susana Magadan Y Gustillo alyas “Baby”, 40 taong gulang. walang trabaho, na pawang mga residente ng Purok 1A, Brgy 7, Mercedes, Camarines Norte. Nasabat sa pangangalaga ng mga suspek ang 13 heat sealed plastic sachets na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride or shabu, at mga drug paraphernalia gaya ng lighter, plastic sachets, tooter, weighing scale, at pera na nagkakahalagang P22,690.

Hindi rin nakaligtas sa mga otoridad ang tahanan ni Rosauro Logronio y Orendain alyas “Jun-Jun Batalay”, residente ng Purok 1A, Brgy 7, Mercedes, Camarines Norte nang hainan ito ng search warrant no. D-2016-12. Napag-alaman din na si Logronio ay ika-9 naman sa Municipal Drug List Wanted Person. Kumpiskado ng mga otoridad sa pangangalaga ng suspek ang 8 pirasong heat sealed plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu, ilang aluminum foils na ginamit bilang improvised tooter, tatlong lighter, isang cellphone, 75 pirasong plastic sachet na walang laman, at perang nagkakahalagang P510.00. Nakuha rin sa suspek ang isang bala ng shotgun at isang sumpak.

Samantala, kasalukuyan pa ring inaalam ang kabuuang halaga ng pangkalahatang droga na nakumpiska sa tatlong operasyon. Nasa kustodiya na rin ng Mercedes MPS ang mga nahuling suspek para sa karampatang disposisyon habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002“.

Lubos naman ang pasasalamat ni PC/Insp. Elmer A. Azurez, Jr. sa lahat ng mga nakipagtulungan upang matagumpay na maisagawa ang operasyon laban sa ilegal na droga sa bayan ng Mercedes sa ilalim pa rin ng proyekto ng Philippine National Police (PNP) na “Lambat-Sibat”.

(photo credits: Kenneth Oning)

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *