Naga City, Camarines Sur (Pebrero 7, 2016) – Masaya at makulay ang naging pagbubukas kahapon (Pebrero 7, 2016) ng Palarong Bicol 2016 sa Lungsod ng Naga na tatagal hanggang Pebrero 13, 2016.
Bandang alas-5 ng umaga kahapon nang simulan ang isang Solidarity Run sa Plaza Quezon na bahagi pa rin ng naturang torneyo na dinaluhan ng mga atletang mula sa iba’t ibang parte ng rehiyon at mga opisyal ng Department of Education (DepEd).
Isinagawa naman sa Pacol Sports Complex bandang hapon ang parada ng mga kalahok at mga delegado sa palaro na aabot sa humigit-kumulang na 10,000 mula sa anim na lalawigan at pitong lungsod.
Ayon kay G. Nelson Gomez, Sports Coordinator ng Camarines Norte Division, sisiguruhin umano nilang gagawin ang lahat ng makakaya upang makahakot ng maraming gintong medalya at sisikaping mas maraming manlalaro mula sa lalawigan ng Camarines Norte ang maipadala para naman sa Palarong Pambansa.
Siniguro rin ni Gomez ang kaayusan ng bawat manlalaro sa kanilang billeting center sa Tinago Elementary School.
Kaugnay naman ng “name switching” na naging malaking kontrobersiya sa palaro noong nakaraang taon, sinabi ni Gomez na nagsagawa ang mga opisyal ng DepEd ng mga seminars at orientations para sa mga delegado upang maipaabot ang kahalagahan ng pagiging matapat kaya kumpiyansa ito na hindi na muling mauulit ang naturang usapin ngayong taon.
Hinigpitan din umano ang “No NSO, No Play Policy” kung saan tinutukan ng DepEd sa pamamagitan ng Regional Screening and Accreditation Committee ang pagbabantay sa mga dokumento ng mga manlalaro upang hindi na mangyari ulit ang anumang uri ng dayaan.
Muling pinaalalahanan ng DepEd ang lahat na ang layunin ng Palarong Bicol ay upang ipaalam sa bawat manlalaro ang kahalagahan ng sportsmanship, camaraderie, at mas mahasa pa ang kanilang galing sa larangan kani-kanilang mga sports.
Samantala, nagkalat din sa bawat sports venue ang mga miyembro Philippine National Police (PNP) at Public Safety Office (PSO) upang siguruhin ang kaayusan at katiwasayan habang isinasagawa ang torneyo.
(photo credits: Naga Smiles to the World)
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte