TAIL END OF COLD FRONT AT HANGING AMIHAN, DAHILAN NG MGA PAG-ULAN NA NARARANASAN SA LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE AYON SA PAGASA; MAHIGIT 1,000 TURISTA, HINDI PINAYAGANG LUMAYAG PATUNGONG CALAGUAS ISLAND DAHIL SA LAGAY NG PANAHON!

608

Daet, Camarines Norte (Pebrero 8, 2016) – Patuloy pa ring nararansan sa Lalawigan ng Camarines Norte ang pabugso-bugsong pagbuhos ng ulan at malakas na hangin na dulot hanging amihan na nakakaapekto sa maraming lugar sa bansa kabilang na ang Bicol Region.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible pang tumagal hanggang sa araw ng Miyerkules (Pebrero 10, 2016) ang nararanasang mga pag-ulan sa buong rehiyon.

Dagdag pa ng PAGASA na apektado ngayon ng tail-end ng cold front ang Bicol Region na nagdudulot ng malalakas na hangin at mga pag-ulan. Wala rin umanong banta ng Low Pressure Area (LPA) na maaaring mamuo sa loob Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw.

Mahigpit din ang paalala ng ahensya sa mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil na rin sa nakataas na gale warning sa mga baybaying-dagat ng Timog Luzon kasama na ang Lalawigan ng Camarines Norte.

Samantala, dahil na rin sa sama ng panahon ay hindi pinayagan ng Philippine Coast Guard – Camarines Norte (PCG) ang mga turistang nais sanang magtungo sa Calaguas Island.

Ayon kay Petty Officer First Class Mario Allan Rosales, Sub-station Commander ng PCG na nakabase sa Brgy. Banocboc sa bayan ng Vinzons, hindi umano bababa sa 1,000 turista na sinamantala ang mahabang bakasyon ang kanilang pinigilang maglayag nitong nakatalikod na Sabado upang makaiwas sa hindi inaasahang pangyayari at aksidente sa laot.

Dagdag pa ni Rosales na bagama’t umaabot lamang sa 2-3 metro ang taas ng alon sa dagat ay banta umano sa kaligtasan ng mga maglalayag ang lakas ng hangin na umaabot sa 23-26 knots.

Ayon pa rin kay Rosales na may ilan ding nagtangkang pumalaot subalit agad naman nila itong napigilan, kasama na ang mga mangingisda sa naturang bayan.

(details credits: Brigada News FM – Daet)

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.