Jose Panganiban, Camarines Norte (Pebrero 10, 2016) – Idineklarang Dead On Arrival (DOA) sa pagamutan ang tatlong magkakapatid sa bayan ng Jose Panganiban makaraang kumain ng alamang o balaw at isa pang uri ng isda kahapon (Pebrero 9, 2016).
Batay sa ulat ng Jose Panganiban Municipal Police Station, ganap na alas 11:35 ng umaga ng nabanggit na petsa, ng tumungo sa himpilan ng pulisya ang Chief Tanod ng Brgy Sabang Jose Panganiban at ipinarating ang ulat hinggil sa pagkakalason ng isang pamilya sa kanilang Barangay. Kinilala ang mga biktimang sina Valentine Bobelis, 26 taong gulang ama ng mga biktima at asawa na si Jessa Galleon 27 taong gulang, at ang mga anak na sina Jan Ronnel Gallon, 5 taong gulang, Princess Jessavel Gallon, 2 taong gulang; at Mark VeeJay Gallon pawang mga residente ng Purok 5 Brgy. Parang, Jose Panganiban.
Ayun sa imbestigasyon ng pulisya, umaga kahapon ng manghuli ang ama na si Valentine ng “Balaw” (small shrimps) at isa maliliit pang isda na “Tambagoy” na agaran namang niluto ng asawa na si Jessa para sa kanilang ulam ng tanghalian.
Ganap na alas 3:30 ng hapon ng magsimula ng manakit ang tiyan ng buong pamilya kasabay ang pagsusuka. Agarang isinugod sa Jose Panganiban Primary Hospital ang mag-anak sa Brgy North Poblacion ng naturang bayan subalit hindi na umabot pa ng buhay sina Jhon Ronnel at Princess Jessavel sa pagamutan. Inirekomenda rin ng mga doktor sa nasabing pagamutan na ilipat na sa Camarines Norte Provincial Hosppital (CNPH) sina Valentine, Jessa at Veejay, subalit sa kasawiang palad ay hindi na rin umabot ng buhay sa CNPH ang anak na si Veejay.
Mistulang sinukluban ng langit at lupa ang mag-asawa sa sinapit ng kanilang tatlong anak.
Samantala, matapos malaman ang impormasyon, agad ding sumugod sa pagamutan sina suspended Governor Edgardo Tallado at Acting Governor Jonah Pimentel upang magpaabot ng pakikiramay at tulong pinansyal sa mga magulang ng mga biktima. Nais ng dalawang opisyal na mapaimbestigahan ang pangyayari at matukoy ang tunay na dahilan upang hindi na maulit pa sa ibang residente doon.
Samantala, patuloy pa ring nagsasagawa ng hiwalay na pagsisiyasat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pangunguna ni Regional Director Dennis Del Soccoro kaugnay ng nangyaring insidente at kung saan nagmula ang naturang pagkain. Maging ang Provincial Health Office ay nagsasagawa na rin ng imbestigasyon sa pangyayari kung totoong sa laman dagat ang dahilan ng pagkakalason o maaaring sa mga sangkap na naihalo sa pagluto nito.