TEAM CAMARINES NORTE, NANGUNGUNA SA ISINASAGAWANG PALARONG BICOL 2016 SA LUNGSOD NG NAGA!

TEAM CAMARINES NORTE, NANGUNGUNA SA ISINASAGAWANG PALARONG BICOL 2016 SA LUNGSOD NG NAGA!

Naga City, Camarines Sur (Pebrero 10, 2016) – Nangunguna na ang Lalawigan ng Camarines Norte sa standing ng nagpapatuloy pa ring Palarong Bicol 2016 batay na rin sa ipinalabas na partial and unofficial result ngayong araw ng Media Center sa Metro Sports Complex.

Nakasungkit na ang Team Camarines Norte ng kabuuang 14 Gold, 9 na Silver, at 7 na Bronze medals mula sa Elementary at Secondary Division. Pumapangalawa naman ang Lalawigan ng Albay na mayroong 4 na Gold, 6 na Silver, at 10 Bronze. Pangatlo ang Lalawigan ng Camarines Sur na nakakuha na ng 3 Gold, 6 na Silver, at 3 Bronze medals.

Ayon kay G. Nelson Gomez, Sports Coordinator ng Camarines Norte Division, ikinatutuwa nito ang kasalukuyang performances ng Team Camarines Norte sa bawat events, subalit hindi pa rin anya sila maaaring maging kampante sapagkat marami pang events ang hindi pa tapos at marami pa ring posibleng mangyari. 

Dagdag pa ni Gomez, patuloy lang ang kanilang ginagawang paghahanda sa mga paparating pang sports competitions sa huling tatlong araw ng palaro at nananatili ang kanilang pag-asa na makapag-uuwi ng maraming gintong medalya, gayundin ang maging over-all champion ngayong taon sa naturang torneyo.

Samantala, nakatakda na ring isagawa sa mga susunod na araw ang ilang mga outdoor games na kinailangang i-postponed at i-reschedule nitong mga nakaraang araw dahil na rin sa naging lagay ng panahon para na rin sa kapakanan ng mga manlalaro.

Tatagal ang Palarong Bicol 2016 hanggang Pebrero 13, 2016.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.