Daet, Camarines Norte (Pebrero 16, 2016) – Nagpalabas ngayon ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Daet kaugnay ng pagsasara ng ilang pangunahing daan sa bayan ng Daet sa darating na Biyernes at Sabado (Pebrero 19 at 20, 2016) dahil sa pagdating ng mga siklista ng “Le Tour de Filipinas” na magsisimula sa Pebrero 18-21, 2016 .
Batay sa ipinalabas na Traffic Advisory ng Local Government Unit of Daet (LGU-Daet), nakatakdang isara ang Vinzons Avenue sa araw ng Biyernes, partikular na ang daan mula sa boundary ng Talisay-Daet hanggang Jollibee – F. Pimentel Store mula alas-12 ng tangali hanggang alas-4 ng hapon o anumang oras matapos ang paligsahan. Sa araw naman ng Sabado, pansamantalang isasara ang mga F. Pimentel Ave., at diversion road hanggang sa boundary ng Daet-Basud mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga o anumang oras matapos ang paligsahan.
Ang Le Tour de Filipinas ay ang dating Tour of Luzon/Malboro Tour na isang International Cycling Competition at taunang isinasagawa. Ang naturang kumpetisyon ngayong taon ay binubuo ng 15 koponan mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Australia, China, Japan, France, Kazakhstan, Mongolia, Malaysia, Indonesia, Great Britain, USA, The Netherlands, Spain, South Korea, Taiwan, Slovakia, Italy, Morocco, Tunesia, United Arab Emirates (UAE), Albania, at Philippines.
Magsisimula ang Stage 1 ng cycling competition sa Antipolo City hanggang Lucena City; Stage 2 mula Lucena hanggang Daet, Stage 3 mula Daet hanggang Legazpi City, at ang Stage 4 ay paglibot sa mga bayang nakapaligid sa Mayon Volcano hanggang makabalik ulit ng Legazpi City.
Samantala, nakahanda na ang Daet Municipal Police Station (MPS) at ang Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) sa magiging kaayusan sa dalawang araw na pagiging bahagi ng bayan ng Daet sa prestihiyosong kumpetisyon.
Nagpaalala rin ang mga otoridad sa mga motorista na gamitin ang mga alternative routes sa mga nabanggit na araw na isasara ang mga pangunahing daan upang maiwasan ang pagkaabala sa biyahe, partikular na ang mga pumapasok sa opisina at mga paaralan na malapit sa mga daang nabanggit.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News