Labo, Camarines Norte (Pebrero 25, 2016) – Nadakip ang 3 katao sa bayan ng Labo nitong nakatalikod na Lunes (Pebrero 22, 2016) matapos isagawa ang isang operasyon laban sa ilegal na droga.
Batay sa ulat ng Labo Municipal Police Station (MPS) bandang alas-10:30 ng gabi nang salakayin ng pinagsamang-pwersa ng Labo MPS, Regional Intelligence Division 5, Camarines Norte Provincial Intelligence Branch, at Criminal Investigation Detection Group – Camarines Norte bitbit ang Search Warrant Number D-2016-41 na ipinalabas ni Honorable Arniel A Dating, Executive Judge ng Regional Trial Court Branch 41, dahil sa paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang nirerentahang apartment ng suspek na si Merly Calado y Bergonia aka “Myla”, 42 taong gulang, dalaga, may trabaho; at residente ng Manlapaz Subdivision, Barangay Gumamela, Labo, Camarines.
Ang naturang operasyon ay nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa pa nitong kasama na sina Alioden Amerol y Camem aka “Ali”, 42 taong gulang, may asawa, may trabaho; at Ronald Padua y Mendoza aka “Manong”, 49 taong gulang, may asawa, magkakabod, at pawang mga residente ng parehong lugar.
Nakuha sa mga suspek ang 7 transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; mga drug paraphernalia tulad ng aluminum foils, tooters, lighters, at caliber 9mm Norinco pistol model 213 na may 15 bala.
Kasalukuyan na ngayong nasa kustodiya ng Labo MPS ang mga suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.
Si Calado ay Ranked Number 1 sa drug personalities Target List ng Jose Panganiban MPS.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News