Jose Panganiban, Camarines Norte (Marso 7, 2016) – Panibagong kaso na naman ng pagkalason ng mga kabataan ang naganap kahapon sa bayan ng Jose Panganiban, lalawigan ng Camarines Norte.
Alas-4 ng hapon kahapon ng isugod sa Jose Panganiban Primary Hospital ang umaabot sa humigit kumulang isang daan ang pitumpung mga kabataan matapos na makaramdam ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Nanggaling sa mga kabataan mula sa mga barangay ng Osmeña, Bagong Bayan, North and South Poblacion, Motherload at Parang sa bayan ng Jose Panganiban na dumalo sa isang community service ng World Vision, isang non-government organization (NGO) na nagbibigay ng mga programang tulong sa mga kabaataan.
Nabatid sa paunang imbestigasyon ng Municipal Health Office ng Jose Panganiban, posibleng dulot ito ng miryendang inihain ng isang caterer para sa nasabing aktibidad.
Sa panayam ng Camarines Norte News sa magulang ng ilang biktima, tila expired na ang mga pagkaing inihain sa mga bata, partikular na ang manok at puto na hindi na maganda ang amoy.
Subalit sa kabila nito ay nakain pa din ito ng mga kabataan kung kayat nagdulot ito ng pagkasira ng kanilang mga tiyan. Maibilisan naman ang naging pagkilos ng pamahalaang lokal ng Jose Panganiban at ng pamahalaang panlalawigan para tulungan ang mga biktima.
Ilan sa mga biktima ay inilipat sa Labo District Hospital (LDH) sa bayan ng Labo at ang ilan naman ang dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) sa bayan ng Daet.
Ilan din sa mga biktima ay agaran ding nailabas ng pagamutan matapos na mabigyan ng gamot ng mga doktor, samantalang ang ilan naman ay ikinonfine upang mas mabigyan ng sapat na lunas.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Provincial Health Office na nagpadala na ng sample sa Food and Drugs Administration upang ipasuri ang sample mula sa mga inihaing pagkain.
Samantalang agaran naman humingi ng paumanhin ang kinatawan ng World Vision sa pamilya ng mga biktima at sinabing tutulungan ang lahat ng mga nabiktima sa kanilang naging gastusin.
Nabatid na taon taon ng ginagawa ng World Vision ang pag tulong sa mga kabataan sa nasabing lugar at ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng aksidente ng food poison sa kanilang mga tinutulungang kabataan.
Hindi naman sinisisi ng mga magulang ang nasabing NGO dahil sa wala naman anila itong masamang intension kundi tulungan ang mga kabataan sa kanilang lugar.
Sa pinakahuling impormasyon, sa pamamagitan ng FB Account ng may-ari ng Catering Services na Ira’s Tapsilog na nag silbi ng pagkain, humingi na rin ito ng paumanhin at inako ang responssibilidad ng nasabing pangyayari.
Sinabi naman ni Mayor Ricarte “Dong” Padilla, tiniyak nito na pananagutin ang kung sinuman ang may pagkukulang na nagduot ng naturang pagkalason.
Camarines Norte News