OPLAN SUMVAC 2016, PINAGHAHANDAAN NA NG HIGHWAY PATROL GROUP – CAMARINES NORTE

Talisay, Camarines Norte (Marso 11, 2016) – Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng Highway Patrol Group (HPG) sa lalawigan ng Camarines Norte para Oplan Summer Vacation (SumVac) 2016 mahigit isang linggo bago ang semana santa.

Ayon kay PO1 Richard Amparo ng HPG na nakabase sa Brgy. Itomang, Talisay, nakatakda na silang magpatawag ng pagpupulong sa darating na Sabado (Marso 12, 2016), alas-10 ng umaga sa naturang himpilan na pangungunahan ni HPG Provincial Officer PSI Ruel Salvino.

Kasama rin umano sa mga aanyayahan sa naturang pagpupulong ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Red Cross (PRC), iba’t ibang radio groups, at media.

Dagdag ni Amparo, ilan sa mga pag-uusapan ay ang ukol sa magiging security plan, guidelines sa pagkakaroon ng motorist assistance center sa iba’t ibang lugar, Police Assistance Desk, at police visibility sa mga lugar na dadayuhin ng mga magbabakasyon.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.