Daet, Camarines Norte (Marso 12, 2016) – Nanawagan ang National Food Authority – Camarines Norte (NFA) sa mga lehitimo at samahan ng mga magsasaka sa lalawigan na kumuha na ng Masters’ Passbook sa pagbebenta ng palay sa kanilang tanggapan bilang paghahanda sa panahon ng anihan.
Ayon kay Chona E. Brijuega, Provincial Manager ng NFA, magdala ng mga dapat na kailangan sa pagkuha ng passbook, para sa mga indibidwal ay certification ng lupang sinasaka na naglalaman ng impormasyon tungkol sa sukat, lokasyon at dami ng ani.
Aniya, ito’y kanilang kukunin mula sa punong barangay, Municipal Agriculture Office (MAO), National Irrigation Administration (NIA) at Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa mga kooperatiba o samahan ng mga magsasaka, kailangan ang Certificate of Registration mula sa Government Registering Agency katulad ng Securities and Exchange Commission (SEC), Cooperative Development Authority (CDA), Department of Labor and Employment (DOLE) at NIA.
Ganundin ang talaan ng mga farmer-members na certified ng MAO sa bawat lokal na pamahalaan na naglalaman ng impormasyon tungkol sa lupang sinasaka kagaya ng sukat, lokasyon at dami ng ani.
Walang dapat na bayaran ang mga magsasaka sa pagkuha ng passbook ayon pa rin kay Brijuega.
Ang Farmers Passbook ay sa ilalim ng Institutionalized Procurement Program (IPP) ng NFA para sa mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang palay sa tanggapan at ito ay inire-renew bawat ikalawang taon para sa balidasyon.
Ang presyo ng palay ay umaabot sa halagang P17.00 bawat kilo kapag tuyo samantalang P13.48 naman kapag basa o 30 porsiyento ang kalidad ng palay.
Reyjun Villamontes
Camarines Norte News