ISANG DISTRIBUTOR NG PRODUKTONG INUMIN SA BAYAN NG LABO, PINAGNAKAWAN NG MGA HINDI PA NAKIKILALANG SUSPEK

Labo, Camarines Norte (Marso 21, 2016) โ€“ Nakulimbat ng mga hindi pa nakikilalang kawatan ang humigit-kumulang P50,000 mula sa CASEI Marketing, isang distributor ng isang produkto ng inumin sa Maharlika Highway, Brgy Bautista, Labo, Camarines Norte, tanghali ng Marso 16, 2016 bandang alas-12 hanggang alas-2 ng hapon na pagmamay-ari ni Ruby Rose Tolosa, nasa wastong gulang, at residente ng Alpsville II, Lucena City.

Batay sa ulat ng Labo Municipal Police Station (MPS), nagtungo sa kanilang tanggapan si Ruel P. Factor, 30 taong gulang, may asawa, empleyado ng CASEI Marketing, at residente ng Brgy. Matnog, Basud, Camarines Norte upang iulat ang insidente ng pagnanakaw sa kanilang opisina.

Ayon kay Factor, bandang alas-8 ng umaga ng parehong araw nang umalis ang mga empleyadong sina Gerald Cumiso, Menandro Bondad, at Ruben Mark Abanto upang maghatid ng mga produkto sa dala ang susi ng kanilang opisina. Bandang alas-2 ng hapon nang bumalik si Abanto at napansin nitong bukas ang pinto sa likurang bahagi ng kanilang opisina.

Nadiskubre naman ni Cumiso bandang alas-4 ng hapon na sira na ang lock at bukas na ang steel cabinet sa kanilang opisina. Nawawala na rin ang ilang resibo, daily reports, at perang nagkakahalagang P49,592.00 na pinaniniwalaang tinangay ng mga nakapasok na kawatan.

Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad para sa ikadarakip at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.