Basud, Camarines Norte (Abril 8, 2016) – Idinamay ng isang 22 taong gulang na lalaki ang kanyang apat na buwang gulang na sanggol sa pagpapatiwakal sa tahanan nito sa P-1 Brgy. Pinagwarasan, Basud, Camarines Norte, umaga ng Abril 7, 2016 dahil sa pag-iwan umano sa kanya ng live-in partner nito.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Renelyn, live-in partner ng biktimang si Don-Don Ebdani, bago pa man ang pangyayari ay nagpasya umano siyang umalis ng kanilang bahay noong buwan ng Pebrero 2016 dahil sa problemang pinansiyal.
Nakikita raw kasi niya na nahihirapan na ang kaniyang live-in partner sa pananalapi at inamin din nito na mayroon silang tampuhan kaya’t nagpasya siyang makipaghiwalay, bagay na hindi raw matanggap ni Ebdani.
Abril 1, ng kasalukuyang taon ay pumunta umano si Don-Don sa kanilang bahay at sinabihan pa niya ito na saka na lamang niya kukunin ang kanilang baby kung magpasya na itong mag-asawa muli.
Dito na rin aniya nagpahiwatig si Don-Don ng plano nitong pagpapakamatay.
Batay naman sa sinumpaang salaysay ng ina ni Don-Don na si Aleng Leonida, bandang alas-7 ng umaga ng Abril 7, 2016 nagpaalam raw ito sa anak na magagapas sila sa bukid sa katabing barangay.
Kinalaunan ay nagdesisyon na rin umano siyang umuwi para tingnan ang kaniyang anak at apo dahil mayroon umano itong lagnat at sa hindi malamang kadahilanan ay tila kinakabahan umano siya kaya’t nagmadali siyang umuwi.
Dakong alas 10:30 ng umaga ng parehong araw nang marating umano niya sa kanilang tahanan at napansin niya naka-kandado ang pinto at nakasara rin ang mga bintana kaya’t pinuwersa na lamang niya para makapasok.
Dito na raw tumambad sa kaniya ang nakabigting anak at apo gamit ang nylon cord kaya’t dito na siya nagsisigaw at humingi ng saklolo.
Napansin rin daw niya ang basag na bote ng alak sa sahig kaya’t pinaniniwalaang uminom muna ito bago nagpakamatay.
Inamin din ni Aling Leonida na bago pa man daw ang pangyayari ay nakausap niya ang kaniyang anak at sinabi nga nito na balak kunin ng kaniyang live-in partner ang kanilang 4 month old baby pero nagmatigas raw ito at sinabing mangyayari lamang ito kapag parehas nang pantay ang kanilang paa.
Sa isinagawa namang imbestigasyon ng Basud Municipal Police Station (MPS), lumalabas na walang nangyaring foul play sa nangayari
(details: Brigada News FM – Daet/photo courtesy: Brigada News FM – Daet)
Camarines Norte News