Daet, Camarines Norte (Abril 13, 2016) – Nakatakdang maglunsad ng sabay-sabay na “operation baklas” ang Commission on Elections (COMELEC) sa buong rehiyong Bikol sa araw ng Abril 14, 2016 para sa mga illegal campaign poster na nakapaskil sa mga ipinagbabawal na lugar.
Batay ito sa kautusan ng Acting Regional Director ng COMELEC-Bicol Romeo B. Fortes at ni Camarines Norte Provincial Election Supervisor Atty. Noriel Badiola.
Ayon kay Daet Municipal Election Officer at tagapagsalita ng COMELEC sa lalawigan ng Camarines Norte na si Atty. Francis Nievez sinabi nito na bagamat kung ikukumpara nitong mga nagdaang halalan, mas kakaunti ngayon ang nakikita nilang paglabag.
Dagdag pa ni Nieves na kailangan pa rin daw gawin ito ng ahensiya bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa pagsunod sa mga election rules at kasama na nga rito ay ang pagpapaskil ng mga campaign poster sa tamang lugar
Ayon kay Atty. Nievez sabay- sabay na magsasagawa ng operation baklas sa 12 bayan sa lalawigan na pangungunahan ng mga election officer
Katuwang ng COMELEC sa nasabing operasyon ang Deparment of Public Works and Highways (DPWH), Deparment of Environment and Natural Resources (DENR), gayundin ang Philippine National Police (PNP).
Kaugnay nito ngayon pa lamang ay nag aabiso na ang ahensiya sa mga kandidato na magkusa nang magbaklas ng kanilang mga campaign materials na nakapaskil sa ipinagbabawal na lugar.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na lugar ay sa mga punongkahoy, poste ng kuryente, tulay at sa mga eskwelahan.
Alinsunod sa COMELEC Resolution No. 9615 maaari lamang magpaskil sa mga plaza at kahalintulad na lugar na itinalagang common poster areas.
Ipinagbabawal din sa naturang COMELEC resolution ang pagpipinta ng mga campaign advertisement sa mga pader.
Ang kahalintulad na operation baklas ay gagawin din sa iba mga munisipalidad at lungsod sa Bicol Region.
Camarines Norte News