FLAT SCREEN TV, NATANGAY SA ISANG HOTEL SA BAYAN NG DAET

608

Daet, Camarines Norte (Abril 13, 2016) – Nasalisihan ng isang hindi nakilalang babae ang isang hotel sa bayan ng Daet matapos nitong tangayin ang telebisyon sa loob ng isang kwarto bandang alas-3 ng madaling araw ng Abril 11, 2016.

Ayon sa pahayag ng receptionist ng Marimar Hotel Tourist Inn sa Moreno St., Brgy. 6 ng naturang bayan na si Syla Gen Molina, 20 taong gulang. Bandang alas-12 ng madaling araw ng magcheck-in sa Room No. 2 ang isang babaeng nakasuot ng maong na pantalon at kulay gray na jacket na may hood.

Tumagal ang naturang babae sa loob ng kwarto ng 3 oras at nang mag check-out ito bandang alas-2:56 ng madaling-araw, napansin ni Molina na may bitbit nang malaking travelling bag ang babae.

Hindi na rin naman tinignan ni Molina ang laman ng naturang bag bago umalis ang babae at nang magtungo na ito sa kwarto kung saan namalagi ang suspek, laking gulat nito dahil sa wala na ang itim na 24″ flat screen TV na nagkakahalaga ng mahigit-kumulang P2,000.00.

Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad para sa posibleng ikadarakip ng suspek.

Samantala, nagpaalala naman sa mga hotel receptionists at may-ari ng hotel sa buong lalawigan na maging mapagmatyag sa mga kilos at dala ng mga customers na nagche-check in sa kanilang mga hotel.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *