PROYEKTONG MAKAKATULONG SA MGA MAGSASAKA NG PINYA SA CAMARINES NORTE, PINANGUNAHAN NG LABO PROGRESSIVE MULTI- PURPOSE COOPERATIVE (LPMPC)

608-1

Labo, Camarines Norte (Abril 27, 2016) – Kasalukuyang nirereview ng World Bank para sa huling approval ang business plan ng “Camarines Norte Queen Pineapple Trading and Processing Project” na isinumite ng Labo Progressive Multi-Purpose Cooperative o LPMPC. Dumalaw ang mga kinatawan ng World Bank at Philippine Rural Development Project (PRDP) sa main office nito sa Malasugi, Labo, Camarines Norte noong ika-12 ng April 2016 upang magsagawa ng site visit sa kanilang Pineapple Processing Plant. Nagkaroon ng maikling palatuntunan na kung saan ipinaliwanag ni Mr. Mario Espeso, ang General Manager ng LPMPC ang business plan ng proyekto. Nagkaroondin ng maikling open forum at press conference na kung saan sinagot ni Mr. Espeso ang mgakatanungan ng mga panauhin at miyembro ng media.

Ang Office of the Provincial Agriculturist o OPAG at LGU Labo ang nakipagtulungan upang mailapit sa PRDP ang proyektong ito ng LPMPC. Ang kabuuang halaga ng proyekto ay umaabot sa halos 27 milyon na hinati-hati ayon sa mga sumusunod: 15 milyon ay utang sa World Bank, 4 milyon sa National Government, 4 milyon sa LGU Labo at 4 milyon sa LPMPC.

Tinatayang aabot sa 9,140 katao ang mabibiyayaan ng nasabing proyekto na karamihan ay mga magsasaka ng pinya na miyembro ng LPMPC. Ito ay sa simula lamang dahil ito ay bubuksan din sa lahat ng magsasaka ng pinya sa buong Camarines Norte. Sa kasalukuyan, umaasa lang ang mga magsasaka sa mga traders sa pagbebenta ng kanilang mga aning pinya na karaniwan ay binabarat at hindi binibili ang mga butterball size o maliliit. Nalulugi rin ang mga magsasaka kapag nagkasabay-sabay sila ng ani dahil mas bumababa pa ang halaga ng pinya. Nangyayari rin ang pagkalugi kung tag-ulan dahil mahirap ibyahe ang mga ito at hindi mabili dahil mas matabang ang lasa. Kung minamalas pa at nalipasan ito ng trader at hinog na, hindi na ito nabibili at itinatapon na lang. Isa pa sa ikinalulugi ng mga magsasaka ang pallelio system na kung saan isang good size sa kada 100 piraso ang kinukuha ng trader nang libre.

608-2

Ang lahat ng ito ay matutugunan kapag nagsimula na ang proyekto ng LPMPC. Tatlong produkto ang nilalayong gawing large scale sa proyektong ito. Ito ay ang kasalukuyang Queench Pineapple Juice Drink in pouch, pure pineapple juice in bulk at ang fresh pineapple fruits.

Tinatayang lalaki ang kita ng mga magsasaka dahil ang lahat ng kanilang ani ng pinya kasama ang mga butterball ay bibilhin ng LPMPC sa mas mataas na presyo kaysa sa presyo ng mga traders. Ang pallelio system ay tatanggalin din. Tuturuan din sila ng Good Agricultural Practices o GAP at iba pang makabagong teknolohiya nang sa gayon ay mabawasan ang butterball size sa kanilang mga ani. Magbibigay din ng Agricultural loan ang kooperatiba sa mga miyembro nito na nais magsimula sa pagtatanim ng pinya.

Kapag naaprubahan na o nabigyan ng NOL 2 o No Objection Letter, agad na magsisimula ang proyekto sa June 1, 2016 at ito ay tatagal ng sampung taon.

Cresencio Bonifacio Adlawan

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *