Paracale, Camarines Norte (Hunyo 7, 2016) – Arestado ang walong small scale miners sa magkasunod na operasyon laban sa ilegal na pagmimina nitong Hunyo 5, 2016 bandang alas-3 ng hapon sa Sitio Maning Brgy. Casalugan, Paracale Camarines Norte.
Kinilala ang 6 na unang nahuli na sina Zaldy Rile y Clacio alias Sangko/Ka Jay, 39 taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Purok 2, Brgy Tabas, Paracale, Camarines Norte; Reynaldo Sotero y Colico alias Nat, 52 taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Purok 1, Brgy Capacuan, Paracale, Camarines Norte; Raffy Timwat y Basto, 24 taong gulang, magkakabod, at residente ng Purok 6, Brgy Tawig, Paracale, Camarines Norte; Joel Sta Rosa y Sanchez, 36 na taong gulang, binata, magkakabod, at residente ng Purok 6, Brgy Tawig, Paracale, Camarines Norte; Sanchu Sanchez y Sta Rosa alias Sonny, 34 taong gulang, binata, magkakabod, at residente ng Purok 2, Brgy Luklukan, Jose Panganiban, Camarines Norte; at Jojo Yaneza y Villanueva, 32 taong gulang, binata, magkakabod, at residente ng Purok 3, Brgy Dayhangan, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Nakumpiska sa mga nadakip ang dalawang Cap lamps; isang palakol: isang blower; lubid na may habang humigit-kumulang sa 30 metro, at isang sako.
Makakasuhan din ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) si Zaldy Rile y Clacio nang makumpiska mula rito ang isang kalibre .45 baril na may kargang 6 na bala, at isang magazine na nakalagay sa loob ng belt bag nito. Wala namang maipakitang kaukulang dokumento at papeles si Rile ng hanapan ito ng mga otoridad kaugnay ng nakuhang baril.
Makalipas ang isang oras ay naaresto naman sina Eleizer Tarubago y San Juan, 39 na taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Purok 4, Brgy. Luklukan Norte, Jose Panganiban, Camarines Norte; at Ricky Canaria y del Pilar, 40 taong gulang, may asawa, magkakabod, at residente ng Purok 3, Brgy. Sto Domingo, Vinzons, Camarines Norte dahil sa pagsasagawa rin ng parehong ilegal na aktibidad.
Nakumpiska naman mula sa dalawa ang dalawang Cap Lamp; isang martilyo; at sako.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Paracale Municipal Police Station ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

