Paracale, Camarines Norte (Mayo 18, 2016) – Aksidente ang sinapit ng 9 na katao na patungo sana sa isang masayang bakasyon nang maaksidente ang sinasakyan nitong van sa Purok 1, Barangay Dalnac, Paracale, Camarines Norte bandang alas-5 ng umaga ng Mayo 16, 2016.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, habang binabagtas ng driver na si Angelito Bagayna y Calajes, 25 taong gulang, may asawa, driver, at residente ng 8 Jacinto St., Pasig City ang kahabaan ng Brgy. Dalnac patungo sa town proper ng bayan ng Paracale, aksidenteng nawalan ng kontrol ang driver at bumangga ang sinasakyang Toyota Grandia GL na may plakang YU2101 ng mga bakasyunista sa isang poste ng ilaw sa kurbadang bahagi ng kalsada dahilan upang mahulog ang sasakyan sa palayan.
Sugatan sa naturang aksidente sina Brenda Erika Bolado, 24 taong gulang at residente ng Bacoor, Cavite; Melanie Grace Neuda, 27 taong gulang at residente ng Novaliches, Quezon City; Mary Ann Publini, 26 na taong gulang, at residente ng Marikina City; Mary Grace Bercasio, 28 taong gulang at residente ng Boni, Mandaluyong City; Rengan Balon, 31 taong gulang at residente ng Bicutan, Taguig City; Cadigo Andales, 24 taong gulang, at residente ng Camain, Caloocan City; Qichin Raval, 28 taong gulang, at residente ng Diliman, Quezon City; Andrea Tolentino, 24 taong gulang, at residente ng Imus, Cavite; at Mary Ann Balbrono, 24 taong gulang, at residente ng Pembo, Makati City na pawang mga dinala sa Labo District Hospital upang lapatan ng paunang lunas at kinalaunan ay dinala rin sa Our Lady of Lourdes Hospital (OLLH) sa bayan ng Daet.
Napag-alamang patungo ang grupo sa Calaguas Island, sa bayan ng Vinzons.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Paracale MPS si Bagayna para sa karampatang disposisyon.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News