Daet, Camarines Norte (Mayo 31, 2016) – Pasado na kahapon sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet ang resolusyong humihiling kay Mayor Tito Sarion na kanselahin na ang umiiral na kontrata sa pagitan ng Pamahalaang Lokal ng Daet at ng pamilya Barcelona na nagtayo ng umano’y pribadong terminal sa loob ng Daet Central Terminal sa Barangay Camambugan, Daet, Camarines Norte.
Ilan sa mga naging rason ng resolusyon ay ang anilay discrepancy partikular ang haba ng panahon ng pag-iral ng kontrata sa pagitan ng dalawang panig. Sinasabing labing limang (15) taon lamang ang kontrata ng Pamahalaang Lokal ng Daet sa pamilya Madrona na may ari ng nasabing lupain, samantalang dalawampung taon (20) naman ang kontra ng LGU Daet sa Sub Lease contract sa mga Barcelona.
Pangalawang kadahilanan ay ang umano’y paglabag nito sa Terminal Code na kung saan ay kinakailangan muna ang kompirmasyon ng Sangguniang Bayan ng Daet bago pumasok ang LGU sa kahalintulad na kontrata.
Isa pang dahilan para ibasura na ang kontra ay isa pang pag labag sa kontra ng LGU sa may-ari ng lupa dahil sa hindi nito pagpapaalam sa huli bago pumasok sa isang sub lease contract sa mga Barcelona. Isa na umano itong grounds para kanselahin na ang kontrata bunsod ng naturang mga pag-labag.
Ang resolusyon ay isinulong sa pamamagitan ng mass motion, subalit hindi dito sumama sina Konsehal Jonjon Coreses at Felix Abaño dahil hindi pa umano nila napag aaralan ang resolusyon.
Dahilan dito, si Konsehal Rosa Mia King, bilang SB Committee Chair ng Public Utility at Transportation ang syang tumayong movant ng naturang resolusyon bago tuluyang naaprubahan.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pag dinig ng kasong sibil na isinampa ng grupo ng Daet-Naga Bus Employees Association (DANABEA) laban kina Barcelona at Mayor Tito Sarion dahil sa pagpapatayo ng pribadong terminal sa loob ng nasabing pampublikong terminal.
Temporary Restraining Order (TRO) with prayer for permanent Injunction ang isinampa sa Regional Trial Court ng DANABEA sa hangaring mapatigil ang operasyon ng nasabing pribadong terminal. Sa susunod na Lunes nakatakda muli ang pagdinig sa nasabing kaso.
Camarines Norte News