Labo, Camarines Norte (Hulyo 1, 2016) – Agad na nadakip ang isang lalaki sa bayan ng Labo makaraan itong mamaril nitong Hunyo 30, 2016 bandang alas-11 ng umaga.
Batay sa ulat ng Labo Municipal Police Station (MPS), hinabol umano ng suspek na si Julio Porcincula y Vilante, 81 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 3, Brgy. Napaod, Labo, Camarines Norte, ang mga biktimang sina Larry Eborde y Magana, 27 taong gulang, binata; Nestor Magana y Soria, 59 taong gulang, may asawa; at Cheska Mae Dugos y Canaria, 18 taong gulang, dalaga, at pawang mga residente ng Purok 7, Brgy. Napaod, Labo, Camarines Norte at pinaputukan ng ilang ulit ng dala nitong sumpak.
Maswerte namang nakatakas ang tatlo at humingi ng tulong sa kaibigan nilang si Angelito Burak, in Brgy. Anahaw Labo, Camarines Norte na nag-ulat naman ng naturang insidente sa mga otoridad.
Nagmamadali namang nagtungo sa lugar ilang operatiba mula sa Labo MPS at nahuli si Porcincula. Nakuha mula dito ang isang (1) improvised homemade 12 gauge shotgun o sumpak; isang (1) bala ng sumpak; at isang (1) basyo ng bala ng naturang baril.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Labo MPS ang suspek para sa karampatang disposisyon.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News