KARAGDAGANG 98 KATAONG SANGKOT SA ILEGAL NA DROGA, SUMUKO SA PULISYA NG BAYAN NG JOSE PANGANIBAN; ISA PANG BARANGAY KAGAWAD, SUMUKO NA RIN

608

Jose Panganiban, Camarines Norte (Hulyo 18, 2016) – Dumulog sa tanggapan ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS) ang panibagong batch ng mga illegal drug personalities na kusang-loob na sumuko na nagmula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Jose Panganiban.

Batay sa tala ng Jose Panganiban MPS, umaabot sa 98 katao ang sumuko sa kanila bandang ala-1 ng hapon nitong Hulyo 17, 2016 na sinamahan ng kani-kanilang kapitan ng barangay. Ayon kay PCI Juancho Ibis, Officer in Charge ng Jose Panganiban MPS, isang patunay lamang umano ang mga ganitong tuloy-tuloy na pagsuko ng mga sangkot sa ilegal na droga ay epektibong kampanya ng kapulisan kaugnay ng “Oplan TokHang” sa atas pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang mga sumuko ay pumirma ng kasunduan at nanumpa na hindi na muling masasangkot ang mga ito sa ilegal na droga.

Siniguro naman ni Ibis na patuloy nilang susubaybayan ang mga naturang personalidad at kung sakaling babalik ang mga ito sa masamang gawain ay malaki ang posibilidad na maisama na sila sa mga operasyon laban sa ilegal na droga.

Samantala, inihayag din ni Ibis na nitong nakaraang araw lamang ay may isa pang sumukong barangay kagawad na hindi na pinangalanan ng opisyal para na rin sa seguridad nito, bukod sa isa pang nauna kamakailan.

Magugunita na ang bayan ng Jose Panganiban ang may pinakamaraming bilang ng mga sumusukong illegal drug personalities sa buong lalawigan ng Camarines Norte na umaabot na sa 700 katao.

(photo courtesy: Jose Panganiban Mps)

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *