Daet, Camarines Norte (Hulyo 14, 2016) – Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang isang pinaghihinalaag tulak ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa baya ng Daet bandang alas-11:30 ng umaga ng Hulyo 13, 2016.
Sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Group – Camarines Norte (CIDG), Daet Municipal Police Station (MPS), Philippine Drug Enforcement Agency – Camarines Norte (PDEA), at Regional Intelligence Division (RID) ay naisakatuparan ang naturang operasyon kung saan isa sa mga operatiba ang nagpanggap na buyer ng ilegal na droga.
Pakay ng grupo ang suspek na si Armando Espinosa y Gutierrez, 46 na taong gulang , binata, at residente ng Purok 8, Urban Poor, Brgy. Alawihao, Daet, Camarines Norte kung saan nakabili mula rito ng dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu at nang iabot na ng operatiba ang P500.00 ay dito na agad hinuli si Espinosa.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang small heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, isang medium size heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman rin ng pinaghihinalaang shabu, isang unit ng weighing scale, unused plastic sachet at ang P500.00 na ginamit bilang marked money.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga Daet MPS ang suspek at inihahanda na rin ang kasong paglabag sa RA 9165 laban dito.
(photo courtesy: CIDG Bicol)
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

