Daet, Camarines Norte (Agosto 4, 2016) – Nilooban ang tahanan ng isang pamilya sa Villa Esperanza Subdivision, Purok 1, Barangay Alawihao, Daet, Camarines Norte ng mga hindi nakilalang salarin bandang 5:30 ng hapon nitong nakatalikod na araw ng martes (Agosto 2, 2016).
Ang nasabing tahanan ay pagma may ari ng pamilya ni Roy Bermas y Cabanela, 30 taong gulang at may asawa. Ayon sa inisyal na imbestigasyong isinagawa ng Daet Municipal Police Station (MPS), nang umuwi ang asawa ni Roy sa kanilang bahay ay doon nito nadiskubre na sila’y nilooban ng mga hindi nakilalang kawatan dahil sa kalat kalat na ang kanilang mga gamit sa sala maging sa kanilang kwarto.
Sira na rin umano ang iron grills ng kanilang sliding window sa may bahaging likuran ng kanilang bahay, na diumano’y naging entry point ng mga suspek. Natangay naman ang mahigit kumulang sampung libong halaga ng pera (Php10,000) na nakalagay sa cabinet sa loob ng kwarto ng pamilya.
Samantala, patuloy pa rin ang ginagawang follow-up investigation ng mga tauhan ng Daet MPS para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at pagkakabalik ng ninakaw na pera.
(Photo courtesy: Jeanette Bermas Fornilos)
Dian Poblete
Camarines Norte News

