PAMPASAHERONG BUS, NAHULOG SA ISANG BANGIN SA BAHAGI NG BITUKANG-MANOK NA SAKOP NG BAYAN NG BASUD

608

Basud, Camarines Norte (Agosto 7, 2016) – Sugatan ang mahigit-kumulang sa 18 mga pasahero nang aksidenteng mahulog ang isang pampasaherong bus sa Sitio Makabubos Brgy. Tuaca, Basud, Camarines Norte bandang alas-2:15 ng hapon nang Agosto 7, 2016.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad at ilang mga nakasaksi, bumabyahe patungo sa bayan ng Daet galing sa Naga City ang bus ng Win Express na may plate number EVP 624 at minamaneho ni Ramon Sarsa Bercasio, at residente ng Brgy. Gahonon, Daet, Camarines Norte nang mawalan ng kontrol ang driver ng naturang bus sa manibela nito habang binabagtas ang kurbadang bahagi ng kalsada.

Sa bilis umano ng takbo ay inokupa nito ang kabilang linya dahilan upang magdire-diretso ang sasakyan sa bangin na may lalim na 15-20 metro.

Agad namang dinala ng ang lahat ng pasahero kasama ang driver at konduktor ng bus sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) at Sipocot District Hospital ng mga concerned citizens sa lugar at ng mga rumespondeng miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Labo at Daet.

Patuloy pa rin ang isinasagawa ang follow-up investigation ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring aksidente.

(photo courtesy: Romil Del Moro)

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *