Labo, Camarines Norte (Setyembre 2, 2016) – Hindi na umabot pa ng buhay ang isang barangay tanod sa bayan ng Labo nang pagtatagain ito ng isang lalaki nitong Agosto 31, 2016 bandang alas-12:05 ng madaling-araw.
Batay sa ulat ng Labo Municipal Police Station (MPS), nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng isang Orly Talento y Reyes at kapatid ng suspek nang biglang dumating ang biktimang si Melecio Pacinos y Dacillo, 54 na taong gulang, may asawa, Brgy. Tanod, at residente ng Purok 2, Brgy. Matanlang, Labo, Camarines Norte para umawat.
Dito na dumating ang suspek na si Joel Castillo, nasa wastong gulang, at residente rin ng naturang lugar na may dalang bolo at sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nitong pinagtataga si Pacinos sa likod at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang naturang insidente ay agad namang tumakas ang suspek sa hindi pa malamang direksyon.
Agad namang isinugod ang biktima sa St. John Lizaso Hospital sa Brgy Gumamela Labo, Camarines Norte upang lapatan ng lunas at kinalaunan ay inilipat din sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) subalit idineklara na rin itong dead on arrival ng mga umasikasong doktor.
Kasalukuyan nang nasa isang punerarya sa bayan ng Daet ang labi ni Pacinos habang inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa suspek.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

