CAMARINES NORTE GOV. EGAY TALLADO, NAKAKUHA NG TRO PARA SA KANYANG SUSPENSYON; SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, PINAGTALUNAN ANG TRO; SESYON, INABOT NG BUONG MAGHAPON

tro-608

Daet, Camarines Norte (Setyembre 27, 2016) – Pinaboran ng Regional Trial Court branch 38 ang hiniling na temporary restraining order (TRO) ng kampo ni Gobernador Edgardo Tallado hinggil sa suspensyon nito na ipinatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) nitong ika 20 ng kasalukuyang buwan.

Ang suspensyon ay alinsunod sa desisyon ng Office of the Ombudsman na nag aatas na ipagpatuloy ng nauna nang suspensyon ng gobernador ng hanggang isang taon.

Kasabay ng nasabing kaatasan, inatasan na rin ng DILG na nilagdaan ni Regional Director Eloisa Pastor sina Vice Governor Jonah Pimentel at Board Member Michael Canlas na maupo na bilang Pansamantalang Gobernador at Bise Gobernador ayun sa pagkakasunod.

Si Bokal Mike Canlas ay agaran na ring nagsumite ng kopya ng kanyang Oath of Office bilang acting Vice Governor sa Sangguniang Panlalawigan at sa tanggapan ng bise gobernador.

Magugunitang nakakuha ng pagpabor ang kampo ni Gobernador Tallado sa Court of Appeals na sinasabing hanggang anim na buwan lamang ang dapat na maging suspensyon ng gobernador bilang parusa sa pag sibak sa isang kawani ng kapitolyo. At ito ay tapos nang mapagsilbihan ni Tallado.

Subalit nito lamang ika 20 ng Setyembre ay nagpalabas naman ng kaatasan ang Office of the Ombudsman sa DILG na ipatupad na ang nauna nitong desisyon na isang taong suspensyon para kay Tallado.

Bunsod nito, dumulog naman sa Regional Trial Court Branch 38, sa sala ni Judge Roberto Escaro ang kampo ni Tallado at nito lamang nakatalikod na araw ng Biyernes, Setyembre 23, 2016, nagpalabas ito ng  dalawampung (20) araw na Temporary Restraining Order bilang pagpigil sa naging kaatasan ng DILG.

Sa panayam kay Provincial Information Officer Sherwin Mata, wala anyang posisyon na dapat na i-assume si Bokal Michael Canlas dahil wala namang nababakanteng posisyon. Hindi din naman anya nag assume bilang acting governor si Vice Governor Jonah Pimentel, kung kayat wala syang pupunuan bilang acting vice governor.

Kinuwestyon din nito ang pagiging senior board member dahil sa kawalan pa ng sertipikasyon ng Commission on Election (COMELEC).

Dahil sa pag ganap anya ni Canlas sa nasabing posisyon ay maaari pa itong makasuhan ng usurpation of authority na isang criminal offense.

Sa Oktubre 3, 2016 itinakda naman ng RTC Branch 38 ang pagdinig sa injunction for purposes of writ of preliminary mandatory injunction.

Dahil sa mga kaganapang ito, malinaw anya na si Tallado pa rin ang lehitimong gobernador ng lalawigan at si Pimentel ang bise gobernador.

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN SESYON, INABOT NG MAGHAPON

Bagamat itinakda ng alas-9 ng umaga ang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, inabot na ng alas-12 ng tanghali bago tuluyang nakapagsimula ang sesyon nito kanina sa kanilang ika-11 regular na sesyon.

Kumain ng mahabang oras ang pagtalakay hinggil sa Temporary Restraining Order na pinalabas ng RTC Branch 38 na pumapabor kay Gobernador Edgardo Tallado.

Sa pagsisimula ng sesyon, hindi na muna dumalo si Vice Governor Jonah Pimentel. Una munang niresolba ng mga bokal ang pag tatalaga ng SP Pro Tempore at sa pamamagitan ng botong 6-5 ay naitalaga si Bokal Pol Gache sa nasabing posisyon.

Dito sinimulan na ring pagbotohan kung kikilalanin ang TRO ng korte. At matapos ang botohan, nauwi din sa 6-5 ang resulta pabor sa pagkilala sa TRO. Matapos nito ay pumasok na si Vice Governor Jonah Pimentel bilang Vice Governor at Presiding Officer.

Sa kabila nito, mariin pa rin ang paniniwala ni Board Member Michael Canlas na sya ang dapat na kilalang acting vice governor sa paniniwalang wala nang silbi ang TRO na pinanghahawakan ng gobernador.

Samantalang mayorya naman sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, maging si Vice Governor Jonah Pimentel ang kumikilala sa pagiging lehitimong gobernador ni Governor Egay Tallado dahilan sa TRO na kinilala ng nasabing hunta probinsyal.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *