Basud, Camarines Norte (Oktubre 11, 2016) – Kinilala na ang babaeng natagpuan patay sa nitong nakatalikod na Linggo ng umaga sa may bahagi ng National Park na sakop ng bayan ng Basud.
Batay sa Basud Municipal Police Station (MPS), umaga nitong Oktubre 11, 2016 nang magtungo sa kanilang himpilan ang isang lalaking nagpakilalang si Osias Lurbis Dimabugti, 29 na taong gulang, at residente ng Barangay Iberica, Labo, Camarines Norte nang mabalitaan at ang nangyaring pamamaslang sa kanyang dating kinakasama.
Ayon kay Dimabugti, ang naturang babaeng pinaslang ay si Ailyn Reyes na mula sa Lipa, Batangas. Sa salaysay ni Dimabugti, nagsama umano sila ni Reyes ng 4 na buwan mula Mayo hanggang Agosto ng kasalukuyang taon subalit matagal na rin silang hiwalay dahil umano sa hinala niyang nagtatrabaho ang kanyang kinakasama sa isang bahay-aliwan.
Dagdag pa ni Dimabugti, hindi rin niya umano kilala ang mga kaanak ni Reyes sa loob ng ilang buwan nilang pagsasama dahil hindi naman ito ipinakilala sa kanya.
Samantala, hindi pa masabi ni PC/Insp Rogelyn Calandria, hepe ng Basud MPS kung ituturing nilang suspek ang si Dimabugti dahil patuloy pa rin nilang inaalama hanggang sa ngayon kung sino ang huling nakasama ng biktima bago ito matagpuang patay.
Patuloy pa rin namang hinihintay ng mga otoridad ang resulta ng autopsy ni Reyes, habang gumawa na rin ng sinumpaang salaysay ang dating kinakasama ng biktima na makakatulong sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

