MGA PLASTIC BARRIERS, INILAGAY NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG DAET SA KAHABAAN NG VINZONS AVENUE NA TUTUGON SA KAAYUSAN NG DALOY NG TRAPIKO

608

Daet, Camarines Norte (Oktubre 13, 2016) – Pinalitan na ng plastic barriers ang mga tali sa kahabaan ng Vinzons Avenue sa bahagi ng Elevated Town Plaza para pa rin sa kaayusan ng trapiko sa bayan ng Daet.

Isinagawa ang naturang paglalagay ng humigit-kumulang 60 plastic barriers ng ilang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Daet at miyembro ng pulisya na pinangunahan mismo ni Mayor Benito “B2K” Ochoa nitong gabi ng Oktubre 12, 2016.

608-1
608-4

Ang mga naturang barriers ay naglalaman ng tubig na nilagyan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon sa alkalde, ang mga naturang plastic barriers ay makakatulong umano ng malaki sa pagdisiplina sa mga motoristang pasaway, partikular na sa mga motorsiklong patuloy na nag-u u-turn sa pamamagitan ng pagtataas ng mga tali, gayundin sa mga tumatawid na hindi gumagamit ng pedestrian lane.

Sinabi pa ni Ochoa na bahagi ito ng ninanais niyang maging kaayusan sa daloy ng trapiko at kaligtasan na rin ng mga tumatawid.

Ikinatuwa naman ni Public Safety Traffic and Management Office (PSTMO) head Ramon Ramos panibagong proyektong ito na tutulong sa kanilang pagpapatupad ng kaayusan ng trapiko sa kasentruhan ng Daet. 

Aniya, marahil ay may ilang motoristang hindi magiging kumportable sa simula subalit inaasahan umano nila na sa pagdaan ng mga araw at linggo ay makikita rin ng mga ito ang benepisyong dulot ng mga plastic barriers.

Sa kabila nito, may ilang mga pedestrian at motoristang nagpaabot ng positibong pananaw sa ganitong uri ng inisyatibo ng pamahalaang lokal upang mabigyang-pansin ang kaayusan ng sentro ng Daet.

608-2
6083

Samantala, maliban sa paglalagay ng mga LED lights na kasentruhan ng bayan ng Daet, solar powered warning devices sa mga intersections sa bahagi ng diversion sa Barangay Lag-On at Brgy. Magang, at solar powered blinking lights sa mga pedestrian lanes at sa bahagi ng kurbada sa mga Brgy. Borabod at Bagasbas, nakatakdang isunod ng lokal na pamahalaan ang pagsasaayos ng Pamilihang Bayan ng Daet tulad ng pagsasaayos ng palikuran at pagpapalit ng mga bubungan nito.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *