Daet, Camarines Norte (Oktubre 16, 2016) – Nagsagawa ng One Time Big Time (OTBT) operation ang mga otoridad laban sa ilegal na droga sa 5 bayan na nagresulta sa pagkakadakip sa 5 katao nitong Oktubre 12, 2016 sa pagitan ng 4:00 hanggang 10:00 ng umaga.
Ang naturang operasyon ay ginawa sa mga bayan ng Vinzons, Labo, Paracale, at Daet kung saan isinakatuparan search warrants na ipinalabas ni Judge Evan D Dizon ng Regional Trial Court Branch 40, Daet, Camarines Norte, at isang buy-bust operation naman sa bayan ng Talisay.
Kasama sa operasyon ang mga operatiba mula sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), Camarines Norte Provincial Public Safety Company (CNPPSC), Camarines Norte Criminal Investigation Detection Team (CN-CIDT), Camarines Norte Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 503rd Philippine National Police Maritime Group (PNPMG), Provincial Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (PAIDSOTG), Regional Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (RAIDSOTG), 95 Military Intelligence Company (MICO), 9 Military Intelligency Branch (MIB), 9th Infantry Brigade (IB), Philippine Army (PA), at PDEA 5.
Unang tinungo ng mga otoridad ang Sitio Bagong Tuklas, Barangay Calangcawan Sur, Vinzons, Camarines Norte bandang alas-4 ng umaga kung saan naaresto si Roderick Andaya alias“Derik, 35 taong gulang, may asawa, at residente ng naturang lugar. Nakuha mula rito ang 5 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; at lighter.
Bandang alas-4:30 naman ng sunod na ipatupad ang search warrant sa tahanan ng suspek na si Richard Melgar y De Vela alias Boyet, 44 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng Purok 1, Barangay Mabilo-1, Labo, Camarines Norte na ika-40 sa Drug Watchlist ng Labo Municipal Police Station (MPS). Nakumpiska mula kay Melgar ang 5 medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; 5 small unsealed heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng mga marka ng pinaghihinalaang shabu; 2 improvised tooter; 7 lighters; at 25 aluminum foils.
Arestado rin ang suspek na si Marlon Maglente y Limpiado alias Lon, 38 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho, at residente ng Purok 1, Brgy Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte nang isagawa ang operasyon bandang alas-6 ng umaga. Nasabat naman mula dito ang 3 small heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; 7 transparent plastic sachet na naglalaman ng marka ng pinaghihinalaang shabu; gunting; 5 improvised tooter na may marka ng pinaghihinalaang shabu; 1 plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana; at 1 black digital weighing scale. Si Maglente ay ika-10 sa Drug Watchlist ng Paracale MPS.
Kulungan din ang bagsak ng isang magkakabod na kinilalang si Andy Saparo y Anno, 48 taong gulang, may kinakasama, at residente ng Purok 3, Brgy Malaguit, Paracale, Camarines Norte nang salakayin ng mga otoridad ang tahanan nito bitbit ang search warrant bandang alas-6:37 ng umaga. Nakuha mula kay Saparo ang 4 small heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.
Bukod naman sa ilegal na droga, ilang bala ng baril ang nakumpiska mula sa suspek na si Bryan Artymiak y Iglesia, 36 na taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 8, Brgy 1, Daet, Camarines Norte bandang alas-7:40 naman ng umaga. Nakuha mula kay Artymiak ang 3 bala ng M16 Rifle; 10 small heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; 2 improvised plastic tube na may marka ng pinaghihinalaang shabu; 1 big heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; 1 improvised glass tube na may marka ng pinaghihinalaang shabu; 13 aluminum foil; 1 unsealed heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng marka ng pinaghihinalaang shabu; 1 cellphone; at perang nagkakahalagang P6,400.
Samantala, nalambat din ng mga otoridad sa parehong araw bandang alas-10 ng umaga ang suspek na si Randy Ubana y Bajas, 36 taong gulang, binata, residente ng Purok 1, Brgy San Jose, Talisay, Camarines Norte, at ika-13 sa Drug Watchlist ng Talisay MPS nang kumagat ang suspek sa buy-bust operation. Nakuha sa pangangalaga ni Ubana ang 3 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng marka ng pinaghihinalaang shabu; at P400 na ginamit bilang marked money.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga municipal police stations ang mga nahuling mga suspek kasama ang mga nahuling ebidensya para sa karampatang disposisyon habang inihahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa mga ito. (Edwin Datan, Jr.)

