BINATANG IKA-9 SA DRUG WATCHLIST NG PULISYA SA BAYAN NG JOSE PANGANIBAN, PATAY NANG MANLABAN UMANO SA BUY-BUST OPERATION

Jose-Panganiban-608

Jose Panganiban, Camarines Norte (Oktubre 17, 2016) – Patay nang makipagpalitan ng putok ang isang drug suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad sa Purok 2, Barangay Osmeña , Jose Panganiban Camarines Norte nitong Oktubre 12, 2016 bandang alas-11:15 ng gabi.

Batay sa ulat ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS), katuwang ang mga operatiba mula sa Camarines Norte Provincial Public Safety Company (CNPPSC), Camarines Norte Provincial Intelligence Branch (CNPIB), at Provincial Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (PAIDSOTG), isinagawa nila ang isang buy-bust operation sa suspek na si Elmer Losa Jr Y Mendoza , alias “Emi”, 32 taong gulang, binata, at residente ng naturang lugar.

Ayon sa mga pulisya, nagbigay na ng senyales ang poseur-buyer na tapos na ang transaksyon nang makatunog ang suspek na pulis ang kanyang kaharap. Dito na umano bumunot ng baril si Losa at nagtangkang paputukan ang isa sa mga pulis na nagresulta naman sa pagpapaputok din ng mga otoridad sa suspek na agad ding binawian ng buhay dahil sa iba’t ibang tama ng bala sa katawan.

Nakumpiska mula sa suspek ang 1 kalibre .38 na may kargang 4 na bala; 1 heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang Shabu; 1 small transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang pinatuyong dahon ng marijuana; 5 crumpled aluminum foil; P300 na ginamit bilang marked money; at 1 cellphone.

Nakuha naman mula sa pinangyarihan ng krimen 5 basyo ng Cal. 45.

Nasa punerarya na sa naturang bayan ang labi ng suspek. 

Samantala, napag-alamang nasa ika-9 sa Municipal Drug Watchlist ang napatay na suspek. (Edwin Datan, Jr)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *