SELEBRASYON NG IKA-53RD FISH CONSERVATION WEEK, IPINAGDIRIWANG SA LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE

608

Daet, Camarines Norte (Oktubre 17, 2016) – Ipinagdiriwang simula ngayong araw ang ika-53 Fish Conservation Week o Linggo ng Pangisdaan hanggang ika-21 ng Oktubre ngayong taon sa Camarines Norte na pinangungunahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan. 

Ito ay batay sa Atas Tagapagpaganap blg. 2016-33 na ipinalabas ni Gobernador Edgardo A. Tallado ayon sa Panlalawigang Ordinansa Blg. 27-2007. Sa unang bahagi ng programa, isasagawa sa Lunes, Oktubre 17 ang pagbubukas ng Tiangge sa Fishcon sa Inner Court Yard ng kapitolyo probinsiya at lecture demo sa paggawa ng siomai at lumpia mula sa isda. 

Magkakaroon rin ng programa sa radyo sa pamamagitan ng Fishery and Aquatic Resources Council o FARMC on Air na mapapakinggan sa DWCN-FM Radyo ng Bayan sa ganap na 1:00 ng hapon. Sa Oktubre 18, tatalakayin ang mga batas at ordinansa tungkol sa pangangalaga sa pangisdaan sa Sangguniang Bayan Session Hall ng Vinzons. 

Magkakaroon din ng pamamahagi ng Tilapia Fingerlings kung saan tatanggap ng 5,000 fingerlings ang siyam na coastal municipalities ng lalawigan at 10,000 naman sa dispersal nito sa Daet River. Ang lecture-demo naman sa paggawa ng pansit mula sa seaweeds at fish chip ay gagawin sa Inner Court Yard ng kapitolyo. 

Isasagawa rin ang oryentasyon tungkol sa National Crab Production at Livelihood for Municipal Fisherfolks sa Oktubre 19 sa Audio Visual Production Center dito at ang seminar sa Fish Health Management sa Oktubre 20. Kabilang pa sa mga gawain ang oryentasyon sa Integrated Coastal Management Plan para sa mga lokal na pamahalaan na mayroong karagatan na gagawin pa rin sa naturang lugar sa Oktubre 21.

Tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Malinis at Masaganang Karagatan Tungo sa Mas Masiglang Pangisdaan”. (Reyjun Villamonte)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *