VICE GOVERNOR JONAH PIMENTEL, UMAKTO NA BILANG ACTING GOVERNOR NG LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE; BOKAL MIKE CANLAS, NANUMPA NA RIN BILANG ACTING VICE-GOVERNOR

608

Daet, Camarines Norte (Oktubre 20, 2016) – Matapos na ibigay ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region V ang suspension order laban kay Governor Edgardo Tallado, agaran na ring umakto bilang acting Governor at acting Vice Governor sina Vice Governor Jonah Pimentel at Senior Board Member Arthur Michael Canlas ayon sa pagkakasunod.

Nitong Oktubre 17, 2016 nang ihain ni DILG Regional Director Eloisa Pastor sa tanggapan ni Tallado ang nasabing order alinsunod sa desisyon ng Ombudsman na anim na buwan at isang araw na suspensyon  ng gobernador.

Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa kasong Gross Immorality na isinampa sa Office of the Ombudsman ng isang Jonel Banal ng bayan ng Basud, Camarines Norte bunsod ng kontrebersiyang kinasangkutan ng gobernador na kumalat sa internet dalawang taon na ang nakaraan.

Sa panayam kay Vice Governor Pimentel, nilinaw nito na bilang halal na pangalawang punong bayan ng Camarines Norte, wala siyang magagawa kundi gampanan ang tungkulin na iniaatang sa kanya bilang kahalili ni Tallado habang nasa ilalim ito ng suspesnsyon base na rin sa isinasaad ng section 46 ng Local Government Code.

Bagama’t wala naman aniyang nababanggit na katagang “Acting Governor o Acting Vice Governor” kung kaya’t mas minamarapat pa rin nyang tawagin syang Vice Governor dahil dito sya inihalal ng mamamayan ng Camarines Norte.

Samantala, sa harap ng mga pangyayari, naniniwala pa rin si Pimentel na mapagtatagumpayan pa rin ni Governor Tallado ang mga usaping legal na pinagdadaanan nito.

Sa kasalukuyan, tiniyak ni Pimentel na tuloy-tuloy ang normal na daloy ng transakyson sa kapitolyo at tuloy din ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon naman sa kampo ni suspended Governor Edgardo Tallado, may mga legal remedies na silang isinasagawa upang mapigilan ang pagpapatupad ng mga desisyon ng Ombudsman.

Magugunitang kamakailan, pinaboran ng RTC Branch 38 ang kampo ni Tallado sa pamamagitan ng Preliminary Injunction hinggil naman sa pagpapatupad ng pagpapatuloy ng isang taong suspensyon ng Ombudsman kaugnay ng kasong isinampa ni Dr. Edgardo Gonzales. Habang naka-apela naman sa Court of Appeals (CA) ang isa pang desisyon ng Ombudsman laban kay Tallado na dismissal and perpetual disqualification mula sa paghawak ng kahit anong tanggapan ng pamahalaan.

608-1

Kaugnay pa rin ng succession of authority, nanumpa na rin nitong kamakalawa si Senior Board Member Michael Canlas sa harapan ni Judge Winston Racoma ng Regional Trial Court Branch 39 bilang Acting Vice-Governor ng lalawigan.

Ito ay makaraang matanggap ni Bokal Canlas ang isang memorandum mula sa tanggapan ng DILG Regional Office sa pamamagitan ni OIC Regional Director Elouisa T. Pastor, CESO IV.

Ayon sa kautusan, inatasan si Bokal Canlas na gumanap bilang succesor sa tanggapan ng Bise Gobernador matapos magpalabas si DILG Secretary Ismael D. Sueno ng kalatas tungkol dito nitong Oktubre 5, 2016 bilang implementing agency.

(photo courtesy: Ronel Laguador/Jonah G. Pimentel)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *