Labo, Camarines Norte (Oktubre 21, 2016) – Aksidenteng bumangga ang sinasakyang motorsiklo ng isang menor de edad sa kasalubong nitong pampasaherong bus nang mawalan ito ng kontrol sa Purok 2, Brgy. Bayabas, Labo, Camarines Norte nitong Oktubre 19, 2016 bandang alas-11:30 ng gabi.
Batay sa imbestigasyon ng Labo Municipal Police Station (MPS), binabagtas ng DLTB bus na may plate number UYD 177 na minamaneho ni Orlando Gabayni Jr y Lagasca, 33 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 1B, Brgy Bakiad, Labo, Camarines Norte ang kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa bayan ng Daet galing Maynila.
Nang dumating sa bahaging kurbada ng naturang lugar bigla na lamang umanong sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka na minamaneho ng 15 anyos na binatilyo at bumangga sa kasalubong nitong bus.
Nagtamo ang biktima ng iba’t ibang sugatan sa katawan na agad din namang isinugod sa Holy Spirit Hospital sa bayan ng Sta. Elena at kinalaunan ay inilipat din sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) upang gamutin.
Samantala, nasa kustodiya na ng Labo MPS ang bus, habang nasa pangangalaga naman ng barangay council ng Barangay Bayabas ang motorsiklo para sa karampatang disposisyon. (Edwin Datan, Jr.)

