Enero 2, 2016, Daet, Camarines Norte – Naitala sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ang limang mga nasugatan ng paputok nitong nakalipas na kapaskuhan hanggang sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa panayam ng Camarines Norte News kay provincial health officer Dra. Myrna Roxas, kinumpirma nito na base sa kanilang talaan lima ang bilang ng mga naputukan at pawang mga kabataan.
Sa araw ng kapaskuhan, nasabugan ng kwitis ang isang labing dalawang taong gulang (12yo) na batang lalaki sa Barangay Del Rosario sa bayan ng Mercedes, isang labing tatlong taong gulang na binatilyo din ang nasugatan ng paputok mula naman sa Barangay IV, Mantagbac.
Sa pagsalubong ng bagong taon, Disyembre 31, 2016 isinugod din sa CNPH ang isang anim na taong gulang na batang babae mula pa rin sa Brgy IV Daet, isang 24 taong gulang na lalaki naman mula sa San Lorenzo Ruiz at isang 22 taong gulang mula sa Holiday Homes Brgy Lag-on.
Sinabi ni Dra Roxas na may mga ulat na naitala din na naputukan na isinugod sa Labo District Hospital subalit hindi pa ito makumpirma ng opisyal dahilan sa wala pa sa kanila ang opisyal na ulat habang isinasagawa ang panayam.
Sa kabila nito, maituturing na naging epektibo pa rin ang kampanya ng DOH at ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng CNPH para sa isang ligtas na pagsalubong sa bagong taon. Ang naitalang lima ay mas mababa kesa sa nakatalikod na mga taon.
Samantala, hanggang sa ngayon ay umiiral pa rin ang Code White na itinaas ng DOH sa lahat ng pampublikong pagamutan sa buong bansa. Tatagal ito hanggang Enero 4, 2017.
Labis din ang pasasalamat ni Dra Roxas dahil bago pa man sumapit ang bagong taon ay nakapag sweldo ang mga manggagawa ng CNPH.
May mga naulinigan ang opisyal na nagpaplanong mag welga at hindi pumasok sa trabaho sa mismong pagsalubong ng bagong taon ang ilang mga kawani ng CNPH sakaling hindi matatanggap ang sweldo dulot ng hindi pagkilala ng ilang bokal at ng mga Depository Banks sa lagda ng nagbabalik na gobernador Egay Tallado.
Gayunpaman, dahil sa pagkilala na rin ng Banko sa lagda ng gobernador sa mga huling araw ng taon, nakapagsweldo na rin ang mga kawani ng kapitolyo at CNPH, kung kaya’t masiglang pumasok ang mga manggagawa sa nasabing panlalawigang pagamutan.
Camarines Norte News

