15 PASAHERO SUGATAN SA SALPUKAN NG DALAWANG BUS SA ATIMONAN QUEZON! DAET EXPRESS, ISA SA DALAWANG SANGKOT! ILANG BIKTIMA, KRITIKAL!

accident-quezon-608-1

Enero 4, 2017, Daet, Camarines Norte – Nasa labing limang pasahero ang sugatan matapos ang aksidenteng kinasangkutan ng dalawang pampasaherong bus na Pamar Bus at Daet Express sa bahagi ng Maharlika Highway, Brgy Sumilang, Calauag Quezon, alas 10 kagabi (Enero 3, 2017)

Parehong puno ng pasahero ang dalawang bus mula sa bakasyon sa nakatalikod na holiday season. Mula sa Maynila ang Pamar Bus patungo ng Sorsogon, habang galing naman sa bayan ng Daet ang Daet Express patungo ng Maynila nang aksidenteng magsalpukan ang dalawa sa nasambit na lugar.

Wasak ang unahan ng parehong sasakyan na mistulang pinunit na papel ang unahan at tagilirang bahagi ng mga ito.

Nagkalat sa kalsada ang mga basag na windshield at bintana ng mula sa dalawang bus.

Tumagal ng dalawang oras ang rescue operation bago nailabas ang lahat ng pasahero ng mga ito kabilang ang drayber ng Daet Express na nakilalang si Gil De Los Reyes, residente ng Brgy Exiban Labo Camarines Norte na naipit ang paa at injury sa bahaging leeg nito. Bali naman ang paa ng drayber ng Pamar Bus na si Michael Gardoña.

accident-quezon-608-2
accident-quezon-608-3

Sa panayam ni Peewee Bacuño ng GMA News sa isa sa mga pasahero ng Daet Express, nang agaw ng linya ang Pamar Bus habang mabilis ang takbo nito patungo sa kanila, pinili pang umiwas ng Daet Express subalit hindi inabot pa rin sila ng rumaragasang Pamar Bus.

Madulas din umano ang kalsada dahil sa pag-ulan at nasa bahagi pa ito ng sharp curve kung kaya’t labis na mapanganib ang naturang lugar sakaling mabilis ang takbo.

Sa follow up ng grupo ni Peewee Bacuño ng GMA News kaninang hapon, 4 na biktima ng aksidente na lamang ang naka-confine sa Magsaysay Memorial Hospital sa Lopez, Quezon at karamihan sa kanila ay inilipat na sa East Avenue Medical Center sa Manila dahil sa hindi magandang kondisyon ng mga ito kabilang ang mga driver ng parehong bus.

Nakipag ugnayan na rin sa pulisya ang kinatawan ng dalawang kumpanya ng bus na sangkot sa aksidente at tiniyak na aasikasuhin ang kanilang mga naaksidenteng pasahero.

Samantala, reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damages to property ang kakaharapin ng driver ng Pamar Bus na Gardoña na ngayon ay nasa pagamutan pa.

Camarines Norte News

Photo Credits to Peewee C. Bacuñ/GMA Network News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *