Pebrero 15,2017, Daet, Camarines Norte – Nagsagawa ng peaceful rally ang nasa humigit kumulang 5,000 minerong rallyista na karamihan ay taga bayan ng Paracale na itinuturing na gold mining capital ng lalawigan ng Camarines Norte. Pitumpu’t limang porsiyento ng kabuuang populasyon sa nasabing bayan ay umaasa sa pagmimina.
Pinangunahan ng mga local gold mining financers, plant mining operators, samahang “bantoxic” at pangkalahatang samahan ng mga minero ang naturang kilos-protesta.
Hiling ng mga ito kay DENR Secretary Gina Lopez na pansamantalang ipatigil muna ang pagpapatupad ng kautusan na pagbabawal sa pagmimina sa mga maliliit na nagmimina.
Minsan na rin silang personal na tumungo sa tanggapan ni Secrtary Lopez upang igiit ang kanilang panawagan na makapag mina upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya na umaasa lamang sa small scale mining.
Hiling din ng mga ito na maipatupad na ang Minahang Bayan na una nang sinasaad sa batas pagmimina o Republic act 7076 at Philippine Mining Act of 1995.
Inaatasan ng nasabing mga batas ang DENR sa pamamagitan ng Mines and Geo-sciences Bureau na bumuo ng Provincial Mining and Regulatory Board na sya namang magdedeklara ng minahang bayan.
Anila, sa kabila ng kanilang pag comply sa mga requirements para sa minahang bayan ay hindi pa rin sila pinahihintulutan ng tanggapan ni DENR Secretary Lopez.
Nagbanta ang mga ito ng hunger strike kung hindi diringgin ang kanilang mga hinaing na maaari diumanong maging resulta ay kahirapan maging pagkagutom ng dahil sa pagpapasara ng D.E.N.R. sa mga minahang bayan.
Agad namang kumilos ang pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte sa pagpapatawag ng special sessions upang dinggin ang ipinaglalaban ng mga rallyista at iparating sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang posibleng solusyon sa mga suliraning nararanasan ng mga minero.
Nangako din sina Governor Egay Tallado at Vice Governor Jonah Pimentel na susuportahan ang nasabing mga minero upang magkaroon na rin ang ito ng maayos na sistema ng pagmimina.
Naniniwala din ang nasabing mga opisyal na kailangang mapakinabangan ng mga mamamayan ng Camarines Norte ang yaman sa sariling lupain.
Orlando Encinares/Rodel Llovit
Camarines Norte News

