Umaabot sa 37 wheelchair at 10 assistive devices gaya ng prostheses para sa mga kababayan nating may kapansanan ang ipinamahagi ng Physicians for Peace sa loob ng Walking Free Mission nito na idinaos noong Pebrero 10, 2017 sa Agro Sports Center.
Pinangunahan ni Gob. Edgardo ‘Egay’ A. Tallado ang nasabing distribusyon katuwang sina Provincial Disability Affairs Officer Rex A. Bernardo at Dr. Josephine R. Bundoc na tumatayong program director ng Physicians for Peace (Teach One, Heal Many).
Sa programang idinaos bago ang pamamahagi, ipinaabot ni Gob. Tallado ang taos-pusong pasasalamat sa pamunuan ng Physicians for Peace na patuloy na nagmamalasakit sa ating mga kababayang PWDs na walang hinihintay na kapalit. Sinabi rin niya na sa nalalapit na hinaharap ay mamamahagi rin ng wheelchairs at iba pang assistive devices ang pamahalaang panlalawigan para mas marami pang PWDs ang matulungan na mas makakilos nang maayos at mas kumportable.
Dumating din sa nasabing okasyon ang anak ni Gob. Tallado na si Provincial Administrator Alvin Jerome Baning-Tallado at sina Bise Gob. Jonah G. Pimentel, Bokal Muriel Pandi, Bokal Renee F. Herrera, at iba pang opisyal ng pamahalaang panlalawigan.
Ang Physicians for Peace (Teach One, Heal Many) ay isang International Non-Government Organization (NGO) na binubuo ng mga medical professionals at volunteers mula sa iba’t-ibang bansa. Naghahatid sila ng kawanggawa sa mahihirap na indibidwal na nangangailangan ng health care at medical supplies partikular na sa tinatawag na underserved populations sa iba’t-ibang panig ng mundo gaya ng ating bansang Pilipinas.
Adabel Panotes
Camarines Norte News

