GINANG, NABIKTIMA NG BUDOL BUDOL SA STA ELENA CAM NORTE!

sta.elena-new608

Pebrero 14, 2017, Sta.Elena, Camarines Norte – Isang ginang ang nabiktima ng budol-budol sa Brgy. Bulala, bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Lolita Santonia y Lazonia, 73 anyos, tubong Castilla, Sorsogon, may kinakasama at residente ng Purok 2 ng nasabing barangay.

Sa pag iimbestiga ng Sta. Elena Municipal Police Station sa pamumuno ni PSupt Victor E. Abarca, napag alamang natangay ng mga di pa nakikilalang mga suspek sa biktima ang mga alahas na nagkakahalaga ng tatlumpu’t limang libong piso at pitong libong pisong pera o cash.

Ayon sa salaysay ni Santonia sa kapulisan, ganap na 11:00 ng umaga ng Pebrero 14, 2017, nagpanggap umano ang isa sa dalawang babaeng suspek na kaeskwela ito ng isa sa mga pamangkin ng biktima. Nabatid na maliban sa dalawang babae, may isa pang lalaking kasama ang mga suspek.

Aniya, kinumbinsi sya ng suspek na ibigay dito ang mga alahas at pera nya kapalit ng isang eco bag na naglalaman umano ng mga pera o bundled money at isang nakahiwalay na isang daang piso.

Nadiskubre na lamang ng biktima sa pag uwi nito sa kanilang tahanan sa nasambit na Barangay na ang eco bag na ipinalit ng mga kawatan sa kanyang pera at alahas ay naglalaman lamang ng mga papel (budol money), dalawang pot holder, at tatlong maliliit na bato.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ang Sta. Elena MPS ng imbestigasyon ukol sa pagkakakilanlan at pagkakahuli ng mga suspek.

Payo naman ng pulisya sa mamamayan na maging alerto sa ganitong mga modus at iwasan din ang pakikipag usap sa hindi kilalang mga personalidad lalo pa’t pera ang pinag uusapan.

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *