PAG AMIYENDA SA ORDINANSA HINGGIL SA PAGPUPUTOL NG MGA PUNONG KAHOY MALAPIT SA MGA LINYA NG KURYENTE AT PAG TATAKDA NG MGA PANUNTUNAN NITO, NAKATAKDA PARA SA PAGDINIG SA SP!

SP-Canoreco

Pebrero 17, 2017, Daet, Camarines Norte – Nakatakda na sa Marso 15, 2017 ang pagdinig sa ordinansang isinusulong ngayon ni Board Member Godfrey Parale hinggil sa pag amiyenda sa Provincial Ordinance No. 51-05 may kaugnayan sa pagpuputol ng punong kahoy o clearing operations malapit sa mga linya ng CANORECO at pag tatakda ng mga panuntunan hinggil dito.

Ang panukala ay may titulong “A RESOLUTION ENACTING AN ORDINANCE AMENDING PROVINCIAL ORDINANCE NUMBER 51-05 (2005) AND SETTING THE GUIDELINES FOR THE CUTTING, CLEARING AND PLANTING OF TREES UNDER THE EXISTING SECONDARY, PRIMARY AND TRANSMISSION LINE OF CAMARINES NORTE ELECTRIC COOPERATIVE FOR THE PROTECTION OF LIFE AND PROPERTY OF THE CITIZEN OF THE PROVINCE AND TO AVOID INTERRUPTION OF ELECTRIC DISTRIBUTION SERVICES IN THE PROVINCE.

Nag ugat ang panukala ni Bokal Parale bunsod ng reklamo ng mga miyembro konsumedores sa sunod sunod na brownout na nagaganap sa lalawigan sa matagal tagal nang panahon.

Una na ring ipinatawag ng Sangguniang Panlalwigan sa pamamagitan ni Bokal Parale, para sa isang pagpupulong ang mga kinatawan ng CANORECO at mga kinatawan ng mga Sangguniang Bayan sa unang distrito ng Camarines Norte.

Sinabi ng CANORECO sa naturang pulong na ang mga sanga ng mga puno at palapa o dahon ng punong ng niyog na tumatama sa mga linya ng CANORECO ang nagiging dahilan ng biglaan at madalas na pagkawala ng kuryente.

Lumalabas na ang pinaka suliranin na kinakaharap ng CANORECO ang hindi pakikipagtulungan ng ilang mga may-ari ng lupa na kung saan may kinakailangang puno na putulin. Ayaw umano ng ilang land owners na ipaputol ang ilan sa kanilang mga pananim na niyog.

Sa ilalim ng kasalukuyang umiiral na ordinansa, binibigyan ng karapatan ang kooperatiba na putulin ang mga punong nagiging sanhi ng brownout. Subalit dahil naman sa hindi pakikipag tulungan ng mga may-ari ng lupa, wala nang halos magawa ang CANORECO.

Sa isinusulong na ordinansa ni Parale, dito idinidetalye ang mga obligasyon ng bawat isa. Partikular ang CANORECO na binibigyan ng karapatan na tukuyin at putulin ang mga punong dapat na putulin.

Maliban dito, may obligasyon naman ang CANORECO na muling magtanim kapalit ng dami ng puno na naputol o mas higit pa.

May kinakailangan ding bayaran ang kooperatiba sa halagang hindi bababa sa isang libong piso bawat puno na hindi pa lumalagpas sa sampung taong gulang. Hindi naman babayaran ang mga punong wala nang pakinabang. Mapupunta rin sa may-ari ng lupa ang punong puputulin at sa sukat o “tamanyo”na naaayon sa kagustuhan ng may-ari ng lupa.

Sa panig naman ng land owner, obligasyon din nito na payagan ang CANORECO na putulin ang mga punong sumasabit sa mga linya.

Maging ang mga opisyal ng barangay ay inaatasan din na tumulong sa CANORECO sa pakikipag usap sa may-ari ng lupa bilang kanilang obligasyon.

Obligasyon naman ng DENR na mag provide ng mga pangangailangang binhi na itatanim ng CANORECO kapalit ng kanilang mga pinutol.

Hindi lamang sa pagpuputol at pagtatanim ng puno natatapos ang obligasyon ng CANORECO. Sa nasabing ordinansa, inaatasan din sila na tiyakin na mabantayan hanggang sa tuluyang lumaki ang mga punong kanilang itinanim.

Kinakailangan din nilang mag sumite ng buwang ulat (monthly report) sa tanggapan ng Gobernador at sa Sangguniang Panlalawigan hinggil sa status ng kanilang mga itinanim na puno.

CANORECO din ang inaatasan na magsagawa ng massive information dissemination para sa malawakang kaalaman ng publiko sa kahalagahan ng cutting at clearing operation upang mismong ang may ari ng lupa ay maunawaan ang kanilang responsibilidad sa kinakaharap ng problema sa madalas na brownout sa buong lalawigan.

Sakaling makalusot na ito sa pagdinig, wala nang gaanong nakikitang balakid pa si Bokal Godfrey Parale sa pagapruba ng nasabing ordinansa dahil nakikita din nya ang suporta ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan.

Umaasa si Bokal Godfrey Parale na sa pamamagitan ng ordinansang ito ay magkakaroon ng sulusyon ang matagal nang problema sa biglaan at madalas na brownout sa buong lalawigan.

Umaasa din Parale na sa pagkakataong ito ay makikipagtulungan na rin ang mga may-ari ng lupa para na rin sa kapakanan ng lahat ng mamamayan na umaasa sa isang maayos na serbisyo ng kuryente sa Camarines Norte.

Rodel Llovit

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *