Pebrero 22, 2017, Labo, Camarines Norte– Natupok ang isang bahay kasama ang isang hauler tricycle sa Purok 5,Sitio Galoocan, Malancao-basud, Labo Camarines Norte.
Abo na ang mga nasabing ari-arian ng madatnan ang mga ito ng may-aring si Santos Beresa kaninang 10:45 ng umaga.
Ayon sa salaysay ni Candelaria Beresa, ina ng biktima, ibinilin umano ng kanyang anak na alisin sa pagkakasaksak ang bumbilyang elektrikal sa altar na naiwanan ng umalis ito sa kanyang tahanan kaninang umaga.
Dagdag pa ng ginang, laking gulat umano niya ng habang patungo siya sa bahay ng anak upang tugunan ang bilin nito ay may biglang sumabog. Dito na nagsimula ang apoy na mabilis kumalat dahil sa gawa ang bahay sa light materials.
Hinihinalang nagsimula ang sunog sa naiwang nakasaksak na ilawang elektrikal.
Agad namang rumisponde ang mga kawani ng ahensya ng tagapamatay sunog sa bayan ng Labo kasama na rin ang response team ng MDRRMC Labo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP-Labo tinatayang aabot sa dalawampung libong piso (20,000) ang halaga ng natupok na ari-arian kabilang na dito ang isang hauler tricycle.
Muli namang nagpaalala si SFO4 Ronaldo R. Mojal sa mga mamamayan na bago umalis ng bahay,tiyaking walang nakasaksak na gamit elektrikal at kung maaari ay patayin ang main switch upang maiwasan ang ganitong insidente.
Matatandaang ito na ang ikalawang insidente ng sunog na naitala sa bayan ng Labo ngayong lamang buwan ng Pebrero.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News
Photos and news details courtesy of DWLB Barkada

