Pebrero 22, 2017, Daet, Camarines Norte – Nakabikti at wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang lalaki sa loob ng Room number 113, Diamond Hotel, Brgy. Gubat, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Rommel Adeva y Ibana, 58 anyos, binata at residente ng Purok 5, Barangay VII ng nasambit na bayan.
Sa ulat na isinumite ng Daet Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni Psupt. Victor E. Abarca, nadiskubre ni Rio Bravo y Rafer, 34 anyos, binata na kahero at stay-in sa nasabing Hotel ang bangkay ganap na 2:30 ng hapon na nakabikti gamit ang lubid na nakatali sa itaas na bahagi ng harapang bintana sa naturang kwarto.
Nagcheck-in umano si Adeva para sa overnight stay bandang 5:00pm kamakalawa, Pebrero 20, 2017.
Ayon naman sa nakababatang kapatid ni Adeva na si Raul Adeva y Ibana, bago pa mangyari ang nasabing insidente ay nagtangka na rin umano ang kuya nito na wakasan ang sariling buhay sa Bagasbas beach at palagi umanong binabanggit ang planong magpakamatay.
Nagsasagawa na ang Daet MPS ng imbestigasyon ukol sa insidente kung may foul play o sadyang nagpakamatay ang biktima.
Isinailalim na rin sa post mortem examination ang narekober na bangkay.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

