Pebrero 22, 2017, Paracale, Camarines Norte – Patay ang isang security guard matapos itong barilin ng kapwa nito guwardiya sa Sitio Maning, Bgy. Casalugan, bayan ng Paracale, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Ariel Obo y De Jesus, may asawa, residente ng San Fernando, Camarines Sur at empleyado ng 31 International Security Agency.
Ayon sa imbestigasyon na isinagawa ng Paracale Municipal Police Station (MPS),bandang 7:00 ng umaga kamakalawa, Pebrero 20,2017, nagkaroon ng di pagkakaintindihan tungkol sa kanilang trabaho na nauwi sa mainit na argumento at humantong sa pamamaril sa biktima ng suspek na kinilalang si Restituto Oja y Ribaya, 49 anyos, may asawa, tubong Del Rosario, Naga city at kasalukuyang residente ng Purok 3, Bgy. Rizal, bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte. Pawang empleyado si Obo at Ojas ng nasambit na security agency at tumatayong OIC ang suspek sa mining area kung saan naganap ang inisdente.
Dalawang tama ng bala mula sa suspek ang tinamo ng biktima na tumama sa kaliwang dibdib at kili-kili na naging dahilan ng agad na pagkamatay nito. Agad namang tumulas ang suspek sa hindi pa malamang lugar matapos ang pamamaril.
Narekober sa crime scene ng mga rumispondeng personel ng Paracale MPS ang isang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa isang kalibre 45 na baril at ngayon ay nasa kustodiya na ng nasabing istasyon at nakatakdang iturn over sa PNP Crime Laboratory Office para sa kaukulang ballistic examination.
Isinailalim na ang bangkay ng biktima sa post mortem examination habang patuloy naman ang pagtukoy ng kapulisan sa kinaroroonan ng tumakas na suspek.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

