Pebrero 23, 2017, Daet, Camarines Norte – Arestado ang isang empleyado ng SM Hypermarket matapos nitong ipuslit ang ilang paninda galing sa loob ng nasambit na pamilihan sa Vinzons Avenue, Brgy. IV sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek na si “Wilmar”, 20 anyos, binata, residente ng Purok 8, Brgy. VIII sa nasabing bayan. Ipinuslit nito ang isang (1) backpack bag na may tatak na Trailmaker na nagkakahalaga ng Php 150.00 at nasa loob nito ang apat (4) na pares ng pambabaeng tsinelas na may tatak na Shoe, isang (1) plastic bag na may lamang anim (6) na bikini na may tatak na Soen, dalawang (2) shorts na pambabae, isang puti na may tatak na Forever 21 at isang pink na Berksha ang tatak, isang (1) gray na polo shirt na may tatak na Winner, isang (1) 680g na hazelnut spread (Nutella Ferrero) at dalawang (2) bote ng alak na Jhonnie Walker Red Label na nasa kahon.
Sa isinagawang pag iimbestiga ng Daet Municipal Police Station (MPS), lumabas na bandang 4:00pm kahapon, Pebrero 22, 2017, habang nagroronda ang isa sa mga guwardiya, napansin nito na lumabas si Wilmar sa pamilihan na may dalang kahina-hinalang pulang backpack. Sinundan at tinawag umano nito ang suspek at ininspeksyon ang laman ng bag at tumambad ang mga nabanggit na items.
Nang mapatunayang hindi binayaran sa kahera ang mga naturang items, inaresto na ang suspek ng guwardiya at dinala sa Police Community Precinct 1 ng Daet MPS para sa angkop na disposisyon.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

