Pebrero 27, 2017, Basud, Camarines Norte – Patay ang isang misis matapos itong saksakin ng kanyang mister sa Purok 3, Brgy. Manmuntay, Basud, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Lorelyn Espina y Miñon, 42anyos, maybahay ng suspek na si Eduardo Espina y Nagera, 42 anyos, kapwa residente ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyong isinagawa ng Basud Municpal Police Station (MPS), bandang 2:10 ng madaling araw kahapon, Pebrero 26, 2017, dumating umano ang suspek sa kanilang bahay sa nasambit na barangay na nasa ilalim ng impluwensya ng alak at armado ng kutsilyo. Nang pagbuksan umano ito ng pinto ng biktima, bigla nitong sinaksak ang biktima sa ibabang bahagi ng tiyan.
Tumakas umano agad ang suspek matapos ang pananaksak habang dinala naman ang biktima ng mga rumispondeng personel ng Municipal Risk Reduction Management Office ng naturang bayan sa Camarines Norte Provincial Hospital sa bayan ng Daet subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician ng nasabing ospital.
Selos naman ang itinuturong dahilan ng pananaksak.
Ihinahanda na ng Basud MPS ang kaukulang kasong kriminal na isasampa sa korte laban sa suspek.
Camarines Norte News

