Marso 1, 2017, Legazpi City – Huli sa pinagsanib na pwersa ng PDEA-Bicol at Legazpi City Police Station ang isang lalaki sa ikinasang buy-bust operation sa Legazpi City Grand Central Terminal ganap na 11:00 ng umaga kahapon, Pebrero 28, 2017.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang isang daan at limampung libong pisong (Php.150,000.00) halaga ng pinaghihinalaang shabu mula sa isang Jeff Boromeo, residente ng Brgy. Sabang, Legazpi City.
Nasa pangangalaga na ng PDEA-Bicol ang sampung (10) pirasong sachet ng shabu na tumitimbang ng limang gramo (5g) bawat isa.
Ayon sa pamunuan ng PDEA-Bicol, isa umanong malaking dagok ang paghahanap sa maaaring kinabibilangang grupo ni Boromeo na mga supplier ng shabu sa mga baranggay ng naturang syudad.
Ibibigay at itu-turn over naman ang mga nakuhang ebidensya kay PDEA Dir. Gen. Isidro Lapena na nasa Camp Simen Ola, Legazpi City ngayon.
Orlando Encinares
Camarines Norte News

