Marso 4, 2017, Paracale, Camarines Norte – Tama ng bala sa kanang hita ang inabot ng isang lalaking nang holdap sa isang tindahan at nanlaban sa otoridad sa Candelaria Street, Brgy. Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte.
Isang insidente ng panghoholdap ang naitala sa loob ng Malayan Store sa nasabing barangay na pag aari ng biktimang si Cecille Lunar y Lamadrid, 50 anyos, negosyante at residente ng parehong barangay.
Base sa ulat na isinumite ng Paracale Municipal Police Station (MPS), bandang 8:47 ng umaga kamakalawa, Marso 2, 2017, habang nasa loob ng nasambit na tindahan ang biktima, bigla umanong dumating ang suspek na armado ng kutsilyo na kinilalang si Wendell Eboña y Tayas, 37 anyos , may asawa, walang trabaho at residente ng Purok Yakal A, Brgy. Poblacion Norte ng parehong bayan.
Nagdeklara umano ng holdap ang suspek at pwersahang kinuha mula sa kaha ang perang nagkakahalagang dalawang libong piso (Ph. 2000.00).
Agad namang rumesponde sa insidente si PO1 Jason R. Poot, personel ng Paracale MPS at napansing armado ang suspek. Sinubukan umanong kalmadong arestuhin ng naturang pulis ang suspek subalit nanlaban ito. Inatake umano ng suspek si Poot ng hawak na patalim kaya’t napilitan itong barilin ang nasabing suspek sa kanang hita.
Narekober sa insidente ang isang kutsilyong ginamit ng suspek na may habang labing isang pulgada (11 inches), dalawang (2) isang libong piso (Php.1000.00), isang basyo ng caliber 99mm.
Agad na isinugod sa Paracale Health Center ang suspek at kalaunan ay inilipat sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa karampatang atensyong medikal.
Inihahanda na ng Paracale MPS ang kaukulang kasong isasampa sa korte laban sa suspek.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

