Marso 15, 2017, Daet, Camarines Norte – Sa kauna-unahang pagkakataon, napagkalooban na rin ng lupang pagtatayuan ng estasyon ang Daet Fire Department mula sa pamahalaang lokal ng Daet.
Sa pamamagitan ng isang resolusyon, binigyan ng awtorisasyon ng Sangguniang Bayan ng Daet si Mayor Benito Ochoa upang makapag donate ng lupa ng pag aari ng LGU Daet sa Bureau of Fire Protection.
Nabatid na ito na lamang ang hinihintay ng DILG upang mabigyan ng pampatayo ng gusali ang Daet Fire Station. Umaabot sa 500 metro kwadrado ng lupa na katabi ng Daet Municipal Station sa Municipal Compound sa Barangay Pamorangon ang ipinagkaloob ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ni Mayor Ochoa.
Sa pagdalo ni Fire Inspector Velasco sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet, pinasalamatan nito ang naturang konseho lalo’t higit si Mayor Benito Ochoa. Anya, sa loob ng matagal nang panahon, ngayon lamang nagkaroon ng maituturing na sariling himpilan ang kanilang ahensya dito sa bayan ng Daet.
Hiniling din nito na matambakan ng lupa ang nasabing lugar dahilan sa mababa ito kumpara sa mga katabing gusali. Sinabi naman ng ilang miyembro ng konseho na hihingi na lamang sila ng tulong kay Governor Egay Tallado para sa mga lupang pwedeng itambak dito.
Samantala, dahil malayo sa centro ng Daet ang itatayong himpilan ng pamatay sunog, nirekomenda ng mga konsehal na malagyan ng sub-station dito sa centro kung saan hihimpil ang kanilang fire trucks upang agarang makaresponde kung may alarma ng sunog sa may bahagi ng poblacion.
Sa susunod na taon, ayun sa BFP, kasama na sa kanilang budget ang pagpapatayo ng gusali dito at agaran na ding pasisimulan.
Camarines Norte News

