(Photo courtesy of camarinesnorte.gov.ph)
Dumating kamakailan ang umaabot sa 63 hospital beds na donasyon ng Department of Health (DOH) para sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH). Ipinagkaloob ito ng DOH ROV upang mapunan ang kakulangan ng hospital beds sa CNPH na naisakatuparan dahil sa inisyatibo nina Gobernador Edgardo “Egay” Tallado at Provincial Health Officer Dr. Arnulfo G. Salagoste.
Mahigpit namang tinututukan ni Gob. Tallado ang operasyon ng CNPH para sa kapakanan ng mahihirap na mga pasyente na nangangailangan ng abot-kamay at de-kalidad na serbisyong medikal. Matatandaan na susog ito sa una nang sinabi ni Gob. Tallado na nais nyang gawing “center-piece” ang panlalawigang pagamutan sa kanyang ikatlong termino. Layunin din ng gobernador na magkaroon ito ng mga state-of-the-art facility/equipment nang sa gayon ay mabigyan ng mas mahusay na serbisyong medikal at pangkalusugan ang bawat CamNortenyo.
(Photo Courtesy of Provincial Health Office)
Samantala, plano namang i-restore ni PHO Dr. Salagoste ang ilan sa mga opisina sa CNPH para gawing mga private wards upang magkaroon ng extra income ang nasabing ospital kasabay ng serbisyo-publiko sa mga mahihirap na pasyente.
Labis-labis naman ang pasasalamat ni Dr. Salagoste sa pamahalaang panlalawigan dahil sa pagtataguyod nito sa mga programa ng CNPH. Idinagdag pa nya na pipilitin nilang mapunan ang mga kakulangan sa kagamitan at pasilidad ng ospital sa susunod na mga buwan. Inaasahan din na madaragdagan pa ang bilang ng mga hospital beds sa CNPH sa malapit na hinaharap sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Tallado.
Adabel Panotes
Camarines Norte News

