MAKABAGONG CENTRAL TERMINAL SA BAYAN NG LABO, PORMAL NANG BINUKSAN!
Marso 17, 2017, Labo, Camarines Norte – Pormal nang pinasinayaan kahapon ang bagong tayong Labo Central Terminal sa Purok 2, Barangay Masalong sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Ang naturang proyekto na may sukat na 7000 metro kwadrado ay nagkakahalaga ng umaabot sa humigit kumulang 50 milyong piso na pinondohan ng pamahalaang lokal ng bayan ng Labo sa pamamagitan ni Mayor Joseph Ascutia ng nasambit na bayan bilang tugon sa matagal nang problema sa trapiko sa mismong centro ng naturang munisipalidad.
Sa panayam kay Mayor Ascutia, sinabi nito na ang nasabing terminal ay gagamitin ng lahat ng transport na dumadaan nag hihimpil sa kanilang munisipalidad. Kabilang na dito ang mga Bus, Jeepneys, Van, Multicab na bumibiyahe sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng lalawigan.
May roon din anyang nakalaang lugar na pagpipilahan ng mga traysikel na sasakyan ng mga pasaherong bababa sa nasabing terminal.
Tinitika ni Mayor Ascutia na ito na ang simula ng pagluwag ng trapiko at ang malaking pagbabago sa centro ng bayan ng Labo na sa loob ng mahabang panahon ay walang kaayusan at kung saan-saang lugar nag bababa at nagteterminal ang mga pampublikong sasakyan sa kanilang bayan.
Itinuturing na makabago ang nasabing terminal kumpara sa ibang lugar. Makikita dito ang maluwag, malinis at maayos na comfort room o palikuran para sa mga pupunta dito. Naglagay din ng telebisyon para sa mga maghihintay ng sasakyan habang nakaupo sa mga bagong upuan. Mayroon ding CCTV na magmomonitor ng lahat ng kaganapan sa loob at sa paligid ng terminal upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Maliban sa mga opisyal ng bayan ng Labo at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, dumalo din sa naturang pagpapasinaya ang mga matataas ng opisyal ng lalawigan upang maging bahagi ng nasabing ceremonial opening.
Partikular na dumalo dito sina Gobernador Edgardo Tallado, kasama ang kanyang maybahay na si Ginang Josie Baning Tallado at anak na si Provincial Administrator Alvin Tallado. Kasama din sina Vice Governor Jonah G. Pimentel, at ilang mga local officials mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Nandun din ang mga opisyal ng Pulisya, Bureau of Fire Protection, Barangay Officials, mga Transport Group at ilang negosyante.
Imbitado din sa nasabing okasyon ang Pinuno ng Land Transportation Office (LTO) sa lalawigan na si Ginang Nenita Llaban samantalang si Gng. Victoria Pandi naman ang panauhing pandangal.
Rodel Llovit/Charlotte Marco
Camarines Norte News
Photos courtesy of Dwlbfm Barkada FB Page

