Marso 19, 2017, Daet, Camarines Norte – Isang ginang ang nabiktima ng panghoholdap ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaking suspek sa isang fish stall sa Purok 7, Brgy. Alawihao, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Larina Rojo y Edora, 43 anyos at residente ng Teachers Village, Purok 6 sa parehong barangay.
Base sa ulat na nakarating sa Camarines Norte Police Provincial Office, bandang 4:30 ng madaling araw nitong nakatalikod na Marso 16, naglalakad umano ang biktima sa kalsada sa Purok 7 ng nasabing barangay kasama ang dalawa nitong anak at nang makarating sa nasambit na fish stall ay bigla umano itong nilapitan ng dalawang lalaking suspek na ang isa ay naka itim na t-shirt, itim na jogging pants at may t-shirt na nakatakip sa mukha habang ang isa naman ay naka itim na t-shirt, itim na shorts at may takip na panyo sa mukha.
Tinutukan umano ng patalim ng isang suspek ang biktima at sinabing ibigay ang dala nitong bag at tinakot na kung hindi ito ibibigay ay sasaktan umano nito ang biktima.
Sa pagkakataong iyon ay pwersahan na umanong kinuha ng mga suspek ang bag ng biktima na naglalaman pera na nagkakahalagang Php. 4,500.00, isang relo na nagkakahalagang Php. 1,000.00, isang cellphone na nagkakahalagang Php. 500.00, at ilang silver na alahas na nagkakahalagang Php. 3,000.00.
Agad naman umanong tumulas ang mga suspek patungong Urban Poor ng nasambit na barangay.
Nagsasagawa na ang Daet MPS ng follow up investigation para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at pagkadakip sa mga ito at pagsauli sa mga ninakaw na pera at gamit.
Muli namang nagpaalala ang kapulisan na maging mas maingat at mapagmatyag sa paligid upang maiwasan ang ganitong insidente.
Charlotte V. Marco
Camarines Norte News

